Thursday, March 26, 2009

Hindi Ako Iyo

Nais kong mawala

makawala

tulad ng paru-parung pasilip-silip

sa puwang ng palad na kuyom

o ng niyebeng nakakalat

nagpapatianod sa pusod ng dagat.

Nais kong maging ako

ngunit mahal mo ako—yun ang sabi mo.

Noon pa man, hanggang ngayon,

sinag ka sa aking mga mata;
kumikinang na dahilan kung bakit

ako mismo hindi maaninag ang sariling anino

Kaya ako tumatakbo

tulad ng liwanag

na nasisilaw sa sariling anyo;

pilit lumalayo -- para lang magbalik at

muling maglambitin sa iyong mga halik

Hibla akong sakdal gaan--

hinihipan

inilalayo ng hangin

para lang muling angkinin

Hindi ako iyo, ngunit bakit iyo?

Tuesday, March 17, 2009

hamog sa salamin

ang mga lihim ko’y
sumusungaw
sa mga bitak ng salamin
ng bintanang manaka-
naka’y inaaruga
ng init ng iyong hininga

tumutulay ka sa gilid
at sulok ng mga bitak

inaapuhap ang samyo, ang talim
sa tinik ng mga luksang rosas

sa tunghay
ng inaantok na buwan

humuhuni ang pagkainip
hinihipan ang pangungulila

at ang kahungkagang nasa iyo’y
hamog na nababasag
alabok na napapawi


nakakapagod ang magtanong


kalugud-lugod

kung

minsan

ang

pananahimik

Tuesday, March 10, 2009

"Kas"



Labingwalo siya nuong una kong makita
hawak ang baling plakard, tutop ang dibdib na lumuwa
ang kaniyang anino sa dilaw na kabuteng

kumalas sa magkakahawak na kamay. Duon ko nakita
ang mapupulang matang iyon- -hugasan man, lunurin man
sa supot ng tubig na inihagis ng isang kasama

mananatiling nag-aapoy, tingkad na pula
katerno ng rubdob na pintig ng puso niyang
inilaan na sa mga aba. Siya ang ligaw na along

banayad na humalik at yumakap sa buhanginan
ng pandama; ng pagkatao kong tila dahong
sinisiklot dinuduyan ng hangin sa kung saan.

Kumusta na kaya siya? Dalawampu at limang
talulot lang na napigtal ang mga taon. Sana, anurin
pabalik sa kanya ng namumuong daluyong-

ng aklasan at pagbabangon - ang mga ipinabaong
kataga, bago pa siya nawala:

“Kas, iguguhit ko sa ulap ang maamo mong mukha
upang bukas, ikaw at ang ating ngayon ay banayad kong mahaplos.
Anuman ang kahinatnan ng lahat, pagkatapos ng sigwa
tandaan mo lang, mahal kita. Hihintayin kita.”