“Ka Eden, kasama ka naming naghahanap ng patay, naghuhukay ng bangkay. Ngayon, ikaw naman ang pinatay nila “ ~ Irein Cuasay, secretary general of Karapatan-Mindoro Oriental~
Sabihin mo, Ka Eden, na huwag kaming masuklam
tumambad man sa amin ang basag mong bungo
ang dalawang tila-tarak ng icepick sa iyong batok
at ang di mo makilalang larawan; sabihin mong
ito’y walang anuman, at huwag kaming magdamdam
sa kanila na di man namin matukoy at mapangalanan
sa tinakluban nilang mukha ng kalapastangan.
Sa kanilang sa inyo’y humarang, nagtanong sa iyong pangalan,
at tinugon mo ng “ako po iyon”, kasabay ng dalanging
huwag na silang mandamay, ikaw na lang… ikaw na lang.
Isatinig mong kamatayan nga’y isang pagpapahingalay
at walang-anumang ituturing na isa ka, isa ka lang
sa maraming bilang ng maaamong tupang walang kalaban-
labang kinaladkad sa bitayan. Ibulong mo sa amin, ngayon,
ikaw nga mismo’y walang pagdaramdam
at magaan sa loob mong tinatanggap ang kinasapitan
upang masambit naming “siya nga po’y payapa na sa bisig ng maykapal
kasama nang iba pang mga pinaslang na hindi pa namin nahuhukay”
Sabihin mo, Ka Eden, upang harinawa’y hindi na pagdimlan pa ng isip
Yaring bayang wala nang masulingan. Walang mapagsumbungan.
Sabihin mo ito
Sa bayan kong daluyong na humuhugos ngayon sa mga lansangan.
Sa mamamayang tumutugon sa anyaya ng kabundukan.
--
April 6, 2013
Oran, Algeria
Saturday, April 6, 2013
Ka Eden
Posted by Verso para Libertad at 5:27 AM
Labels: poems (activism; protest)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment