Saturday, December 10, 2011

Pandanggo Sa Rehas




Hindi sila nag-atubiling
hawakan ang apoy. Maging apoy
upang bigyang-liwanag ang karimlan
Kinitlan sila ng buhay. Marami sa kanila
ipinagtabuyan, ibinilanggo
sa kuyom ng paglabag
sa makataong karapatan.

Malaking kahangalan! Hindi kailanman
naikukulong ang liwanag. Patuloy
at patuloy itong maghahanap ng lagusan

Patunay kaming umiindak ngayon
sa nagkakaisang galaw.
Sa mapangahas na sayaw
na sa kanila’y natutuhan ---

inilalagay namin ang mga tinghoy
sa aming ulo,
sa likod ng mga palad --
upang patuloy na magbigay-liwanag
bigyang-pugay silang ibinulid
sa rehas na bakal

silang kagaya nami’y
alitaptap sa karimlan


***

Sinasabing ang Pandanggo sa Ilaw ay sayaw na nagmula sa Mindoro. Tinghoy ang tawag sa oil lamp na siyang orihinal na ilaw na gamit nila (kandilang nasa baso na ngayon ang gamit).
Isinasayaw ito sa gabi, madaling araw o tuwing nag-aagaw ang dilim at liwanag; at ang mga tinghoy, animo’y alitaptap sa karimlan kung pagmamasdan.

Naisulat ko ang tula sa gitna ng mahapding pag-alala sa kuwento ni Ka Boni Ilagan (naging detenidong pulitikal noong Martial Law) minsang nagsalita siya sa isang symposium sa PUP. Naroon ako, at sa gitna ng paputul-putol niyang kwento, inilarawan niya kung paano siya pinahirapan, at para ko pa ring nararamdaman habang sa gitna ng nababasag niyang tinig, naikuwento niya kung paano isinalaksak sa butas ng ari nya ang isang alambre.

Inilalagay natin ang mga tinghoy sa ating ulo (ito ang mga saligang prinsipyo, aral, lunggati nating mga nakikibaka at nagnanais magbigay-liwanag) at sa likod ng ating mga palad (humuhugot tayo ng aral at lakas sa kanilang nakaraang praktika at pagsisikhay sa gitna ng hirap) …
Hindi natin namamalayan… tulad nila’y alitaptap din tayong binibigyang parangal ng “pandanggo sa ilaw”

Oliver S. Carlos
2011
Oran, Algeria




No comments: