Kung nakapaling man
Ang aking mukha
Sa gawing kanan ng higaan
Walang anupamang dahilan
Kundi ang mangyari ang lahat
Nang mabilis at magaan
Hindi ko gugustuhing makita
Na nag-aalinlangan ka.
Huwag na sana.
Alam mong hindi kita sisisihin.
Hindi napapagod ang mga aparato
At kung anu-anong nakasaksak na tubo
Hindi sila katulad ng katawan ko
Batid mo ito
Kung matatagalan ko lang sana
Kahit man lang isang minuto,
Alam nating gaano man kabigat
Ang nakadagan sa puso, gaano man
Kadilim ang isinasamo nating isa,
Dalawa o ilang araw pa
Hindi na lang natin hihilingin ang hindi dapat.
Kung kaya lang nating maniwala
Na mayroon pang pag-asa,
Ang lahat nating panindim
Ay kasingliwanag sana ng naglalagos
Sa bintanang mga silahis – marahil
Ang umagang ito’y isang bagong araw
Na hubad sa di-mabuhat na hilahil.
***
2011
Oran, Algeria
*** also published ing eK/Versilog
Friday, August 5, 2011
Euthanasia
Posted by Verso para Libertad at 12:41 PM
Labels: poems (love and friendship)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment