Tuesday, July 5, 2011

Pagtanaw

Sa mga bagay na tinatanaw
Mula sa likod
Ng bintanang nakaawang
Pinipilit kong tawirin
Ang hanggahan ng realidad
Nilulusaw sa balintataw
Ang takot sa isang wakas

Narito akong nananangan
Sa katotohanan ng posibilidad

Naghahawan kita
Ng mga hinanakit.
Ng pait.

Ako, sa tinamong mga sampal at panlalait
Ikaw, sa mga bintang na itinuntong
Mula sa dila ng iba. Isang relasyong

Dinilig sa sumbong
Sa sumbat nilason
Paano nga ba yayabong?

Sinabi mong titindig sa anumang unos
Ang isang pag-ibig na nagtitiwala
Isang pag-ibig na ang batong-panulok
Ay di malulusaw na respeto at unawa

Narito akong nananangan
Tinatanaw ang iyong hulagway
Umaasang sa iyong pagdating
Ang mga katagang ito’y
Muling ibubulong sa akin.



***
2011
Oran, Algeria



*** also published ing eK/Versilog