Malaya na ang tao kapag hindi na siya naghahangad nito.
-- Khalil Gibran
Kalayaan! kalayaan! kalayaan! --- Nino?
Namin. Nila. Ninyo. Katumbas ba ito
ng buhay at luha? ng ibinububong dugo para sa lupa?
Oo, katumbas ito nang pagkapatid ng daantaong tanikala—
ipinulupot at isinakal sa leeg nilang inagawa’t pinagkaitan
Mainam ang pagsunod. Hindi na nito madaragdagan ang latay
ng latigong inihahaplit at inihahataw. Maiibsan ang hapding sugat
ng gapos sa leeg at kamay – bumabaon sa bawat nilang paghatak
sa tuwing tumatanggi. Kahit paano’y maaampat ang pagtagas ng dugo.
Tumingin ka sa paligid mo, wala na bang higit na magandang bagay
kaysa sa kalayaang tila tinitibag, hinuhukay ng tao sa tipak ng bato?
Wala na bang mas mahalaga -- liban sa pagkapatid ng mga tanikala?
Ito ang sigaw ko. Siyang bubuo sa punit na dangal ng abang bayan ko.
Kailangan ito at siyang dapat isigaw: Paglaya! Paglaya! Paglaya!
Nino? Ng mga tao namin? Ng mga tao nila o ng mga tao ninyo?
Kailangan ang kalayaan, dito, doon at saanmang dako.
Hanggang kailan at paano? Hanggang saan at para kanino?
Para sa naghahari bang inihahataw ang kamay na bakal
upang manatili ang kalayaan? O sa kanilang nagnanais nito—
sinisilaban, pinapatid sa apoy ang tanikala ng panaghoy
upang sa paglaya, sikilin din naman ang laya ng iba?
Mainam ang kalayaan. Mainam -- kapag nawala na
ang paghahangad para rito -- walang kasing-inam
kung mapaglalaho nito’t malulusaw ang mga tunggalian.
****
Oliver S. Carlos
March 17, 2011
Oran, Algeria
Friday, April 15, 2011
Diskurso
Posted by Verso para Libertad at 12:06 AM
Labels: poems (activism; protest)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment