Tuesday, December 29, 2009

Alaala ng Tag-ulan

dalawampung-taon ka
ako nama’y labing-lima
nuong sinabi mo sa akin:

ang pag-ibig ay ito, ang pag-ibig ay iyon.

pumitas ka ng dahon mula sa kawayang
yumuyuko, humahalik sa lupa

at itinuro mo ang malalabay na sanga ng nara
na humahaplos, humahalik sa usli niyang mga ugat;

saka mo binilang ang mga kristal na hamog
na sinusuyo, idinuduyan ng mapaglarong hangin.

wala akong naunawaan sa mga sinabi mo
dahil nakatitig ako sa iyo


habang ikaw ay nakatingala
at nag-aabang sa mga hamog—

marahan silang bumababa
mula sa mga dahong nasa itaas
padausdos sa mga dahong nasa ibaba
hanggang sa sila’y

mahulog

mabasag

sa nakalahad mong mga palad.


dalawampung-taon ka noon . . .
at dalawampung tag-ulan na rin iyon.



wala


wala nang iba pang pag-ibig



na naligaw mula noon.

Saturday, December 26, 2009

Lihim ng mga Titig


Saan nga ba maaapuhap ng naguguluhan kong sulyap
ang saklaw na lihim ng iyong mga titig?

Kasingdami ng isinasaboy mong buhangin
ang aking mga tanong
tungkol sa iyo
tungkol sa atin
tungkol sa kung anong mayroon pa tayo ngayon.

Mga tanong, na alon at alon lang
ang sumusundo at tumitipon
upang pabalik na ihampas lamang
sa batuhan—kung saan tayo ngayon nakatuntong.

Napapagod akong hanapin sa iyong mata
ang mga sagot. Pilit kong inaaninag ang mga ito
sa kilapsaw na likha ng nagtatampisaw mong mga paa.

Tayo pa ba? Kibot lang ng labi ang nagpapahiwatig.

Tinatapunan mo ako ng titig—mga blangkong titig
na di ko batid kung pagsuyo
kung sumbat o panibugho.

May saklaw na lihim ang iyong mga titig
maraming bagay ang ibig sabihin


na
sa
dibdib
ko


sa dibdib ko’y nagiging mga tinik

isa-isang tumitimo -- nagpapadugo.

Thursday, December 24, 2009

Nakikisilong


Dumarating ka
Sa mga sandaling hindi na ako humihiling

Ikinakawit
Sa aking batok, sa aking beywang
Ang mga langong paanyaya, mga pagsamo

Na bumalik sa mga patak at lagaslas
Ng tubig sa dutsa

Sa mga pagbaling, pagpihit, pananabik
Na marahang nilulusaw ng mga langitngit

Ng kama
Ng humihingang sahig.

Sa silid na ito ng mga alaala
Paulit-ulit
Iniaabot mo sa akin ang iyong mga pasalubong:

Hiniwa-hiwa at pira-pirasong paliwanag
Nakalata, yupi-yuping paghihintay
Nakaboteng halik – padaplis, kagyat, nakaw.
Nakasupot na mga kumusta na
Mga nagmamadali at walang-katiyakang
Babalik ako sa linggo

Tingi-tinging pagmamahal na iniiwan
Sa mga kislot at gusot ng sinapinang kumot.

Dumarating ka sa mga sandaling
Pagod na akong humiling

At tuwina, heto ako
Natataranta
Hindi alam ang gagawin.

Saturday, December 19, 2009

Tuwing Lilisan ang Tag-araw

Itinataghoy ko
Ang pagkawala
Ng marami
At magagandang bagay

Kagaya halimbawa,
Ng kagagapas na palay—

Nakalatag, gintong balabal
Sa balikat ng dalagang
Ang pawis sa noo at karit
Na tangan ay pinakikinang ng araw.

Sisipol ang habagat
Upang ihudyat ang pagkabulok
At pagkalusaw ng dayami

Na muling inaangkin ng bukid
Pagsapit ng tag-ulan.

Nakapanghihinayang . . .

Walang bagay, wala ni isa man

Ang nananatili’t nagtatagal.