Bumaon sa sandalan ang nangangalay na likod.
Mabagal
kasimbagal ng pedicab ang daloy ng buhay.
Baku-bako
nagbibitak ang itim na aspalto ng lansangan
Naghahanap ang kinse anyos niyang braso
ng kipkip na libro,
o notebook
na may mukha ng mga idolong artista
Sana ang pagdadalaga’y kasing-saya
ng mga naka-unipormeng dalagita
na nasa kabilang-gilid ng kalsada -- binibilog
ang usok ng kabataan sa gitna ng tawanan.
Nguni’t, kasing-ilap ng natitisod na bato
ang tinatahing pangarap –
lumalayo
habang lumalapit ang paa niya, kasama
ng maraming kinse-anyos
sa entrada ng pinapasukang pabrika.
Sa bawa’t lapat ng pintuang bakal,
may katahimikan,
kahungkagang sumasampal…
Realidad. Mundong hindi magkakatulad.
Sa loob
amoy ang nasusunog na langis
ng mga makina at retasong
inaabangan ng karayom at kamay.
Dito niya idudugtong at tatahiin ang buhay.
Bubuuin
tulad ng pira-pirasong telang ginagawa nilang basahan.
Limandaang bilog
na basahan ang tatapusin
bago pa maluwag na makahinga
bago pa magawang
kapain
alisin
ang mga hibla ng sinulid
na kumakapit sa buhok niya.
Wednesday, February 24, 2010
Pagdadalaga
Posted by
Verso para Libertad
at
4:21 PM
0
comments:
Labels: poems (social relevance)
Saturday, February 20, 2010
Gunam-gunam Quing Cauran
Adwa cang pulung banwa
y acu labi cung lima
iniang sabyan mung:
ing tune lulugud, makanini ... makanita.
Minagtal cang bulung
caring adalanan tang cuayan—
a antimong alipang sisiclod,
magpuri quing gabun
qng balang tsup ning anging banayad,
at saka mo tiru ding macayagpa,
bala mu mibabayatnan nang sanga ning nara—
padugpa no’t sasayad ding malapad nang bulung
a mumuma caring makayusli nang uyat
macatiman ca, antimong anghel
a migbaba ibat banwa, cabang sisipatan
mong tunggal-tunggal ding mala-kristal
a amug caring balang bulung
a teterac
maquiyalung
qng mapalsinta nang pasyuc ning angin
ala cung ayntindyan caring sinabi mu,
pablasang quing balang quibut ning labi mu
carin la macalawe ring mata cu
cabang babatyon mu'la at panayang
matac at mabalag ding amug —
a banayad cucusad, magbaba
pepaybat caring bulung macapababo
padagusgus caring bulung macapalalam
angga na quing manacbag
at mabalbal la caring
manaya mung palad at canwan
adwa cang pulung banwa canita
at adwa nang pulung cauran ing milabas
agaganaca ra ca pa
ala nang aliwa pang sinta
a mipalili ibat canita.
Posted by
Verso para Libertad
at
9:58 PM
6
comments:
Labels: poems (kapampangan)
Friday, February 19, 2010
Rearview Mirror
pasulyap-sulyap
minamasdan niya
ang mga bagay at kaganapan:
may tumatalsik na butones
mula sa blusang naroong tumanggi
naroong magpaubaya;
may laylayang umaakyat
sumusunod
sa hagod at kumpas ng mga daliri;
may pantalong
unti-unting sumisikip,
nakikipagbuno sa nanginginig na kalamnan.
saan nga ba galing ang mahika at lakas niya?
bakit kaya niyang pag-awayin
paghiwalayin ang isang pares ng mata--
nakatitig sa likuran ang kanan,
ang kaliwa nama’y
nakatutok sa kalsada.
pasulyap-sulyap
nag-aabang--
marami siyang nakikita.
Posted by
Verso para Libertad
at
12:40 AM
0
comments:
Labels: poems (malayang indayog)
Wednesday, February 17, 2010
Nakikini-kinita
Nang makalapit ako at buksan ang tarangkahan, napansin kong
banayad itong hinahagkan ng naglambiti’t nakayapos na mga dahon-
para bang napakaselan ng kanilang pinag-uusapan—may nais ilihim,
mariringgan sila ng mga anasang pahina nang pahina
habang papalapit ang mga paang sabik sumalubong,
nagmamadali sa paghakbang.
Ang mga dahon, ang tarangkahan—nagbubulungan.
Tila ba nahihiya o natatakot magsalita.
Tulad niya marahil na natitigilan, di-maintindihan
kung magpapa-tao po; akmang kakatok nguni’t
kagyat din namang yayapusin ng pag-aalangan.
Muling bibitbitin ang maleta at iba pang dala-dalahan.
Mabilis na tatalikod at magkukubli
sa sulok kung saan hindi mo siya matatanaw.
Hanggang sa tuluyang lumayo; na para bang natapos na
ang kumustahan, yakapan at masasayang kuwentuhan—
bago pa siya mapagbuksan.
Kasing-sigla ng mga tangkay na muling dinalaw ng hamog,
kaytagal kong pinanabikan ang ganito ka-pribadong mga tinig.
Magaan ang dibdib, pinakikinggan ko at minamasdan
ang mga pagyakap, pagbulong at paglambitin
ng mga dahong naglalambing.
Sa susunod, maingat akong lalapit.
Tulad ng sinag ng papasikat na araw
na humahaplos sa tarangkahan—
tahimik
uulinigin ko ang bawa’t tinig.
--------------------------
17 February 2010
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
2:44 AM
0
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Sunday, February 14, 2010
Bawa't Umaga sa Piling Niya

Sa bawa’t haplos ng silahis sa sumasayaw na kurtina,
sinusulyapan ko ang mahahaba niyang pilikmata;
hinahagkan ang pisngi, hanggang ang pinid niyang labi
ay dahan-dahang bumuka—sungawan ng tipid na ngiti.
Hindi iyon ang mahalaga, ang mahalaga’y
narito ka: pabulong kong itinutugon
sa mga tanong niya— kung anong oras na.
Naninibugho ako sa unan. Kapag inaangkin nito at itinatago
ang aliwalas niyang ngiti matapos kong sagutin ang tanong niya.
Gusto kong hatakin palayo sa kanya ang sakim na mga minutong
nagpapatagal sa subsob niyang pakikipagniig - hindi sa aking mga bisig -
sa tuwing wari’y gusto niyang dayain pa ang mga umaga.
Gayunma’y matiyaga kong hinihintay
ang mga pagbangon, ang mga pagsayaw ng itim niyang buhok
na kintab na along naglalaro, tuksong kumukubli sa likod niya’t beywang.
Sa bawa’t paghawi, lalantad sa labing naghahanap ang nagpapakipot na leeg.
Banayad na hahaplusin, kakabisahin ng naglalakbay na daliri ang nakahanay
niyang buto sa gulugod, hanggang muling magising ang alab sa yakap;
tugunin ng titig ang kapwa titig, pagmamahal ang kapwa pagmamahal—
na kaytagal kong inakalang sadyang akin lang
natatapos din pala
maging ang mga walang katapusan
naitatago
sa ngiti
maging ang mga ikinukubli.
------------
14 February 2010
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
3:43 AM
0
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Wednesday, February 10, 2010
Mga Hakbang Pabalik
----------
sa pagtugpa sa dalisdis
kung saan kami nagsimula
ikinukuyom ako ng mga bagay na di-makuyom;
gayung nakatitig,
may nais pang tuklasin
ang mga matang tumatagos
marahil
may mga itim na sugat ding hinahaplos
ang kaibuturan ng gulod na iyon
na nagtitiis sa mga iwing lapnos
walang kahulugan ang mga silahis
ng dapithapon sa nakayukong mga sanga
maglagos man ang mga ito, yumakap man
sa di-maghilom na mga sugat,
itatanggi ng dibdib ang anyaya ng ngiti
dahil kung itataas man
wala nang kamay pa ng pagsalubong
na tutugon
sa mga kaway ng pagdating
ang narito’y mga halik sa pisngi
ng naghintay at napagod na hangin.
--------
10 February, 2010
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
2:13 AM
0
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Wednesday, February 3, 2010
Awit ng Kastilyo
Nakayakap sa ininsensong unan,
madaling-araw kung maghintay ang kagandahan
sa sinag ng papalapit na mga sulo,
sa sabik na yabag ng mga pagdating.
Lumalagos sa bintanang nakaawang, ipinaririnig
ng nagdiriwang na gabi ang masasayang tinig.
Malalalim na sugat ang nililikha
ng bawa’t yakap ng pagsalubong;
pakiramdam niya’y lumalatay sa pisngi
ang halik ng bawa’t sinag na hindi para sa kanya
Sa iba, sa iba nakalaan ang nasasaid niyang mga luha
ang mga walang sulo, walang yabag niyang paghihintay.
Nakatitig,
may naaninag siya sa dilim—
pabaligtad na nakasabit ang sampares na bota
sa likod ng puting kabayong dumarating.
---------
3:15 PM
Sa Guhong Kastilyo ng Mostaganem
Mostaganem, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
8:22 AM
2
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Friday, January 29, 2010
PUJ-266
sa biglang arangkada, napatukod
ang aking kanang-paa
lumabas
sa sapatos
ang tubig-baha ng Espanya
nakipagpatintero sa ulan
lumubog-litaw
kalahati na lang
ng nangangawit kong puwit
ang naisalpak sa siyaman. hindi yata
naramdaman ng nakasimangot na dalaga
nasagi ko ang kanyang suso
nung sabihin kong: “ma’ bayad ko!”
itinataboy niya
ang usok ng sigarilyo
makapal, naglalakbay, parang lasing
ang lalaking katabi niya
sige ang hithit-buga
hindi man lang magbigay-daan
sa prente niyang pagkasandal
hindi ko maipihit
ang kinalawang na sarahan
ng tumutulong trapal
n a k a k a a s a r !
Posted by
Verso para Libertad
at
11:59 PM
0
comments:
Labels: poems (social relevance)
Saturday, January 23, 2010
Sapagka't Natatakot Ninyong Itanong
Nang wari’y telang-itim na piniringan ng ulap ang mga tala
hindi niya sinabing ito’y isang pakikidigma. Hindi nagbabala
ang sugatang dibdib ng bundok
na hihinga ito, patatalsiki’t pagugulungin
ang nakayakap niyang mga bato
sa ilog, lupa, batis at mga lawa
Walang kinalaman
kung idinuduyan man ng hangin
pakaliwa o pakanan
ang naglambiting mga hamog sa dahon—
wala silang pulitikal na opinyon
Hindi rin dinidigma ng mga kabahayan
ang sinakal sa putik na mga kanal
dahil magkatuwang na sila, daantaon na,
bago pa bumuga ang usok sa mga pabrika
bago pa dumaloy ang nakalalasong mga kemikal.
At kung napagkaitan man nila ng masisilungan
ang mga balo, musmos at walang kinalaman,
wala silang anumang pagkamuhi;
ni hindi nila patakaran ang hayaan silang
magpagala-gala at mamatay sa mga lansangan
Huwag niyo sana silang sumbatan
kung naglahad man ng kamay
ang nagsabarung-barong na mga tulay;
o ang lunsod, na nilalakaran ngayon
ng mga buhay na patay, ng mga balat at kalansay
Huwag niyo sanang kastiguhin
kahit ang nakabalatay na mga barbed-wire
sa ganid na bakod na may “NO TRESPASSING” sign—
wala silang paninindigang pulitikal
Kahit ang mga dingding na maraming taon nang
umuulinig sa mga ungol ng pag-uusig,
at nakakakita sa dugo at luhang dumadaloy
sa binusalang mga bibig, hindi nila ninais
na manatiling nakamasid at nakikinig lang
habang ginigilitan ng leeg at lalamunan ang kalayaan
Ni hindi nagprisinta ang mga puno
na putulin sila at gawing dingding at tabla
upang saksihan lang ang kalupitan
ng tao sa tao
ng tao sa kalikasan
Itanong ninyo
kung kaninong lagda ang nasa ilalim ng mga kautusan
kung kaninong selyo ang idinampi sa kanang gilid ng plano
ng nagtataasang mga gusali. Itanong ninyo
kung nasaan si Atienza, kung nasaan
si Bayani o kung ano ang masasabi tungkol dito
ni Bertong Adik, ni Juanang Five-six o ni Mother Lily
Itanong ninyo ang lahat. Tanungin ninyo ang lahat.
Bakasakaling kung wala nang sumasagot
mauwi na lang kayo sa kinatatakutang tanong sa sarili:
Nung nangyayari ang lahat ng ito, NASAAN AKO?
---------
10:00pm
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
7:48 AM
1 comments:
Labels: poems (activism; protest)
Sunday, January 17, 2010
Repleksyon

ipahayag man ang lahat
ano pa ba ang maaaring mabago?
bukod sa isa itong napakahabang paliwanag
naibunyag na rin naman, maging ng mga Kasulatan:
- hindi mabuti ang magkamit ng mga bagay
- may pagpapala sa kawalang-katiyakan
ano pa kung gayon
ang saysay ng mga salaysay?
ng pag-uugnay at pag-iingay?
bakit di natin salatin sa noo
ang isang naiiba?
subuking pagbuhulin
ang humihingang katahimikan
bakasakali
sa ating pangangapa sa dilim
kung makauusad tayo, matanto nating
kaylapit lang ng inakala nating malayo
mabatid! ipabatid!
yaon lamang sinusumbatan ang pusikit
at naniwalang binulag sila nito,
ang uupo sa sulok at mananatiling pikit
hindi nila makikita
ang puting aninong nagsa-laman--
lalagpas sa kanila nang di man lang
nahahawakan kahit dulo ng kanyang kasuotan
hindi nila mapapansin
na may salamin sa kanilang harapan--
dapat titigan
dapat lagpasan
-------
January 17, 2010
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
7:40 AM
3
comments:
Labels: poems (pagmumuni)
Thursday, January 14, 2010
Awit ng Pag-ibig
(Alon Bonito playing "Power of Two Songs" by Indigo Girls)
gusto ko siyang magpakalayu-layo
kung maaari nga lang
na ihiwalay ko siya mula sa akin
nguni’t paano? paano ba siya mapaglalakbay
nang lagpas pa sa pinakamalalayong mga bagay—
nang lagpas pa sa iyo?
damdamin ito na nais kong ikulong
nais ilibing sa pinakamadilim at payapang sulok
nang di na niya mahaplos pa ang iyong kaluluwa
sa kailaliman, doon ko siya nais manatili
upang hindi na niya marinig
maging ang pinakamahihina mong hagikgik
subali’t, bakit nga ba lahat na lang ng bagay
na nahahawaka’t natatanaw, nakaugnay sa iyo—
sa atin.
at lagi na, ang mga alaala’y garalgal na tinig
na umiilanlang at pagdaka'y bumabalik
gaya ng tumataghoy na mga nota
na nakatali sa kwerdas ng gitara
o' mailap kong awit!
sa anong tugtog
sa anong instrumento nga ba makalilikha
ng iisang melodiya
mula sa dalawang di-kailanman mapag-isa?
Posted by
Verso para Libertad
at
5:28 AM
0
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Tuesday, January 12, 2010
Sa Panahong Iyon

sa panahong iyon mangangako silang tutupad sa atas
may huhubdan ng mga kasuotang ginto
at magsasaplot ng basahan
kung paanong ang mga binihisan naman
ang lilikom, ipaparada’t pararangalan
sa kanilang magagarang kasuotan
anupa’t sa kanilang paghahanap
sa katuturan ng salita, mangatitisod sila
sa nagsalabid na kani-kaniyang pakahulugan
lahat, mawawalang-saysay
bunga ng mga salungatan.
babalik ang nag-atas. tulad ng kalapating
ikinakampay ang bagwis
sa ibabaw ng nalikhang mga daluyong
ibubuka niya ang tuka sa dalamhati
at iaapak ang pulang paa
nang may panlulumo’t pagkabigo
dahil habang sumisigaw sila ng natin,
daratnan niya ang mga ito
sa pampang ng kanilang mga sugat—
kinakain ang laman ng isa’t isa.
************
January 9, 2010
Base de Vie
Mers El Hadjadj
Bethioua, Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
6:21 AM
0
comments:
Labels: poems (pagmumuni)

