Ang isang anak na nawalan ng magulang ay tinatawag na ulila.
Balo o byudo naman ang tawag sa isang lalaking nawalan ng asawa.
Pero ang isang inang nawalan ng anak…ano ang tawag natin sa kanya?
Walang tawag sa mga tulad nila. Wala.
Wala kasing salita na makapaglalarawan sa sakit na nararamdaman ng isang ina na nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang anak. Lalong walang salita at katagang maaring maglarawan sa isang ina na patuloy na naghihintay at umaasa na sana’y makabalik ng ligtas ang anak nyang dinukot at naglaho na lamang na parang bula.
Paano mo nga ba papayapain ang loob nya? Anong angkop na salita ang makapagpapalubag sa naninikip nyang dibdib? Paano nya ipapanatag ang isip nya kung di man nya batid kung magpapadasal na ba sya o magtitirik na ng kandila o patuloy pa rin syang aasa na isang gabi’y kakatok na lamang ang pinakamamahal niyang anak na parang walang anumang nangyari.
Sasapit na naman ang gabi. Wala pa ring kumakatok. Maghihintay siya at maghahanap sa gitna ng kanyang mga hikbi at pagluha.
Baka-sakali….
Baka-sakaling dumating sya.
Baka-sakaling buhay pa ang anak niya.
Monday, May 5, 2008
Damdaming Ina
Posted by
Verso para Libertad
at
3:43 PM
1 comments:
Labels: lakbay-diwa
Wednesday, February 20, 2008
Janet...Hapdi ng Dekada 80

“Ang mga munting bagay na iyong ibinigay
ay lagi kong hawak sa aking mga kamay…
sa pamamagitan nila ikaw ay nabubuhay…”
Dalawampu’t dalawang taon na ang lumipas nguni’t patuloy pa ring bumabalik ang mga alaala ng isang madilim na yugto ng buhay ko...
Siya at ang aming friendship band na nagbigkis at patuloy na magbibigkis sa amin lumipas man marahil ang maraming taon…kahit siguro sa alaala na lamang.
Ibinigay nya ang friendship band na iyon sa gitna ng rally at tensyong lumulukob sa buong bansa…tig-isa daw kami. Lunes yun…Febrero 22, 1986. Sa gitna ng mga sigaw nuong umagang yun sa kasagsagan ng halos isang linggong EDSA 1… paano ko nga ba makakalimutan ang tila nahihiyang mga ngiti na iyon sa kanyang mga mata nuong iabot nya ang munting bagay na iyon habang abala kaming namamahagi ng mga polyeto malapit sa tulay ng Mendiola …ang mga ngiting iyon na sa isang kisapmata ay napalitan ng takot at ligalig sanhi ng komosyon at putukan...
Desperado na nuon ang diktador at handang pumatay makapanatili lang sa poder…sumisingasing at humahaginit ang mainit na bala na walang pakialam kung sino ang mapatay…napakalapit… ilang sentimetro mula sa aking pisngi…
Pero hindi yun ang inalala ko…mas inalala ko nang mga sandaling iyon kung nasaan na siya…mas mahalaga sa akin noon ang payapain ang loob nya…ang bigyan sya ng katiyakan na magkasama pa rin kami…na hindi ko sya iiwan anuman ang mangyari…
Magkahawak-kamay naming tinawid ang panganib na iyon...at sa pagpawi ng tensyón…sa paghupa ng usok ng teargas at pulbura…sa pagkawala ng alikabok ng lansangan…ang maririnig na lamang ay puta-putaking pagsigaw ng pulu-pulutong na mga istudyanteng nagkawatak-watak subalit nagpipilit mag-ipon ng lakas ... nagpipilit tumindig at patuloy na sumisigaw.
Bumagsak ang diktador ilang araw pagkatapos ng madugong Lunes ng umagang iyon...Umupo sa Malakanyang ang babaeng nakadilaw…
Tuloy ang buhay…tuloy ang ikot ng kasaysayan…ang paghabi ng mga pangako ng mga naghaharing-uri sa mga maralita na pilit nilang nilulunod sa mga sarsuela ng pekeng reporma at pagbabago…
Walang nagbago…naroon pa rin kami…nakatingin sa isang direksyon…magkahawak kamay sa bawat rali…sa bawat kilos-protesta…
Nagkahiwalay lamang kami nung magtapos na sya sa kursong Fine Arts…at sa aming paghihiwalay ay naroon ang pangako na di man kami pisikal na magkasama ay patuloy pa rin ang pakikibaka laban sa bulok na sisteman ng lipunan. Nagkasya na lamang ako sa pakikibalita sa kanya at sa ilang mga patagong sulat na maingat na nakabalot at manaka-nakang naipupuslit. Mga sulat na kung minsan ay ikinagugulat ko pa kung saan galing at kung sino ang may bigay.
Isang taon mula nuon…nabalitaan ko na lang na kasama sya sa mga napaslang sa isang encounter sa Norzagaray…Nuong una ay ayaw kong maniwala…sana ay hindi totoo…sana ay hindi sya ang ibinabalita nila…Puno man ng pangamba…lakas loob akong nagpunta sa lugar na itinuturo nila kung saan dinala ang mga napatay…umaasang hindi siya iyon. Pero naroon sa kaliwang kamay nya ang friendship band na katulad ng suot ko!
Wasak ang kanyang dibdib sa dami ng balang tumama sa kanya. Basag ang bungo na pinasakan ng pulang panyo upang di lumabas ang utak mula roon…
Ang panyong iyon ang laging nakapulupot sa dulo ng baril nya para daw lagi nya akong naaalala ….binigay ko yun bago kami magkahiwalay…
Dalawampu't dalawang taon na ang nakalipas…naroon pa rin ang hapdi….naroon pa rin ang dalamhati…paano nga ba lumimot kung tulad ng isang awit…paulit-ulit ko syang maaalala…
“Iguguhit ng ulap ang maamo mong mukha…
Sumasabay sa hangin ang iyong mga tawa…”
Posted by
Verso para Libertad
at
10:37 PM
4
comments:
Labels: lakbay-diwa

