Showing posts with label poems (activism; protest). Show all posts
Showing posts with label poems (activism; protest). Show all posts

Monday, December 15, 2014

taghoy ng mapalacsiao (isang tanaga)



ay! ay! aming Bungkalan
ano’t ngayo’y duguan
palayan mo’t gulayang
pinadera’t kinamkam!


Saturday, April 6, 2013

Ka Eden




“Ka Eden, kasama ka naming naghahanap ng patay, naghuhukay ng bangkay. Ngayon, ikaw naman ang pinatay nila “ ~ Irein Cuasay, secretary general of Karapatan-Mindoro Oriental~



Sabihin mo, Ka Eden, na huwag kaming masuklam
tumambad man sa amin ang basag mong bungo
ang dalawang tila-tarak ng icepick sa iyong batok
at ang di mo makilalang larawan; sabihin mong
ito’y walang anuman, at huwag kaming magdamdam
sa kanila na di man namin matukoy at mapangalanan
sa tinakluban nilang mukha ng kalapastangan.
Sa kanilang sa inyo’y humarang, nagtanong sa iyong pangalan,
at tinugon mo ng “ako po iyon”, kasabay ng dalanging
huwag na silang mandamay, ikaw na lang… ikaw na lang.


Isatinig mong kamatayan nga’y isang pagpapahingalay
at walang-anumang ituturing na isa ka, isa ka lang
sa maraming bilang ng maaamong tupang walang kalaban-
labang kinaladkad sa bitayan. Ibulong mo sa amin, ngayon,
ikaw nga mismo’y walang pagdaramdam
at magaan sa loob mong tinatanggap ang kinasapitan
upang masambit naming “siya nga po’y payapa na sa bisig ng maykapal
kasama nang iba pang mga pinaslang na hindi pa namin nahuhukay”


Sabihin mo, Ka Eden, upang harinawa’y hindi na pagdimlan pa ng isip
Yaring bayang wala nang masulingan. Walang mapagsumbungan.


Sabihin mo ito
Sa bayan kong daluyong na humuhugos ngayon sa mga lansangan.
Sa mamamayang tumutugon sa anyaya ng kabundukan.



--
April 6, 2013
Oran, Algeria

Friday, January 20, 2012

Ang Nagtindig Sa Mga Kubol

Iniwan ng mga manggagawang-bukid ang kanilang tahanan.
Sa mga pilapil at tarundon -- sa hangganan ng usapin --
itinindig nila ang mga kubol ng katwiran at hinaing.
Umupo sila roon, pumalahaw na wari’y pinaglalamayan
ang nakahilig na mga tubo na ilang taong sinikhay
na maitanim sa nagbibitak na sakahan

walang asukal . . .
dugo
ang kumatas na upa sa lahat nilang pagpapagal

Ang naiwang mga kabahayan
tila bulang-pangarap, laglag na balikat
humahakbang pauwi sa katapusan

Pagbabalik ito
ng laang-panahon,
ng laang-lakas,
na pilit binata ang ihip ng hangin at buhos ng ulan.
Puno man ng hinanakit, marahil
sadyang umuuwi ang lahat sa sinapupunan
ng lupang pinanggalingan

Masdan mo sila oh! aking bayan
kung paano nila tinatanggap ang kanilang pagkalupig
Payapa at tila wala ng pakiramdam
ang mga manggagawang-bukid
na ni ayaw nang sumigaw o humikbi man lamang

Masdan mo sila, oh! aking bayan
kung paanong puno ng tuwa at dalawang-kamay
ibinabalik sa matris ng lupa ang mga anak niyang
gutay-gutay ang katawan---
butas na dibdib dito
ulong sinilip ng punglo riyan
butong iniluwa ng binti roon…

Kagaya ng hanging nagsawa nang hipan ang itim na ulap,
ang itinindig nilang kubol ay pag-asang tumutupi’t humahapay

lastag at manhid ang mga katawan
nangalupig ang katwiran—

ganito umuuwi ang mga anak ng sakahan.


Sunday, December 25, 2011

Safehouse



Isa siyang malalim na galos
sa duguang sahig. Kumikisay
katol na paikid o kung minsan
tandang padamdam
hugis at anyo ng hubad niyang katawan

Nasusunog na bulbol sa bayag
bawat diklap ng elektrisidad
Paulit-ulit, iikid — bulating iisod
katawan niyang sa batuhan
tila ba naghahanap ng makakapitan

Bawa’t dampi ng alambre’t metal
sa busargang bibig, maririnig:
Aktibista lang ako!
Putang-ina nyo!
Aktibista lang ako!

Para bang sa pagsasabi nito
maibababa ang boltaheng
nais magpasabog sa sentido,
maibabalik pa’t makukumpleto
mga daliring binunutan ng kuko,
o babaluktot at iiwas
alambreng isinasalaksak
sa butas ng burat.

Para bang sa pag-usal nito,
ihahatid ng hangin
sa mga mga sumuko na’t nawalan ng pag-asa
ang mga pahiwatig
na wala siya sa mga kampo’t munisipyo—
na buhay pa siya. At hirap na hirap na.








***
2011
Oran, Algeria

Tuesday, December 20, 2011

DECS...DECS...DEXTROSE!

DECS . . .
DECS . . .
DEXtrose . . .
ganito hugutin
ng naghihingalong institusyon
ang tangis at hiningang
tulad sa isang ina’y
patawiring nakamasid
sa mga anak niyang
magsisiksikan sa klasrum
uulanin sa lilim ng santol
matututong magtanong
maghahanap ng solusyon
lalabas.
sa labas . . .
may teargas--
sagot ng pasista sa tanong
kung bakit may kaltas
ang badyet sa edukasyon
gayung dinagdagan
ang sa bala at truncheon!




***
2011
Oran, Algeria

Saturday, December 10, 2011

Pandanggo Sa Rehas




Hindi sila nag-atubiling
hawakan ang apoy. Maging apoy
upang bigyang-liwanag ang karimlan
Kinitlan sila ng buhay. Marami sa kanila
ipinagtabuyan, ibinilanggo
sa kuyom ng paglabag
sa makataong karapatan.

Malaking kahangalan! Hindi kailanman
naikukulong ang liwanag. Patuloy
at patuloy itong maghahanap ng lagusan

Patunay kaming umiindak ngayon
sa nagkakaisang galaw.
Sa mapangahas na sayaw
na sa kanila’y natutuhan ---

inilalagay namin ang mga tinghoy
sa aming ulo,
sa likod ng mga palad --
upang patuloy na magbigay-liwanag
bigyang-pugay silang ibinulid
sa rehas na bakal

silang kagaya nami’y
alitaptap sa karimlan


***

Sinasabing ang Pandanggo sa Ilaw ay sayaw na nagmula sa Mindoro. Tinghoy ang tawag sa oil lamp na siyang orihinal na ilaw na gamit nila (kandilang nasa baso na ngayon ang gamit).
Isinasayaw ito sa gabi, madaling araw o tuwing nag-aagaw ang dilim at liwanag; at ang mga tinghoy, animo’y alitaptap sa karimlan kung pagmamasdan.

Naisulat ko ang tula sa gitna ng mahapding pag-alala sa kuwento ni Ka Boni Ilagan (naging detenidong pulitikal noong Martial Law) minsang nagsalita siya sa isang symposium sa PUP. Naroon ako, at sa gitna ng paputul-putol niyang kwento, inilarawan niya kung paano siya pinahirapan, at para ko pa ring nararamdaman habang sa gitna ng nababasag niyang tinig, naikuwento niya kung paano isinalaksak sa butas ng ari nya ang isang alambre.

Inilalagay natin ang mga tinghoy sa ating ulo (ito ang mga saligang prinsipyo, aral, lunggati nating mga nakikibaka at nagnanais magbigay-liwanag) at sa likod ng ating mga palad (humuhugot tayo ng aral at lakas sa kanilang nakaraang praktika at pagsisikhay sa gitna ng hirap) …
Hindi natin namamalayan… tulad nila’y alitaptap din tayong binibigyang parangal ng “pandanggo sa ilaw”

Oliver S. Carlos
2011
Oran, Algeria




Saturday, July 30, 2011

sa iyong mga daliri

maaalala nila
(kung walang amnesia)
susumbatan sila
(kung may konsyensya pa)
at di nila kakayaning
tingnan
ang katotohanang
isinisiwalat
ng dalawa mong daliri

aamin sila
sa huli
na tama ka.

ang halalan sa Pilipinas
(sa kumpas ng imperyalista)
ay katawatawang
sarsuwela’t salamangka




***
2011
Oran, Algeria

Monday, July 25, 2011

Dahil Wala Akong Nana Sa Kili-kili

Sa palengke: iniimis ni Salve
ang tagtag na karne
tumatalsik sa sangkalan
maghapong ulam, sabi’y libre
ipapasalat lang sa tindero
ang kanyang puke.

Sa tambakan: si Nena ang headline
usap-usapan, bukod sa basurang
maaari pang pagkaperahan
pagtihaya sa ibabaw ng basura
ang malakas niyang sideline

Dalawang mukha ng kahirapan –
araw-araw natitisod
sa tuwid na daan

Nakita ko sa isang paskil
ang isang paanyaya
Malaya raw (n)gumawa
Ang kahit sinong makata
Basta ang tula, may angas
Tila kamaong-nakataas
Bilang pagtutol
Sa kahirapan at dahas

Nais kong isama ang tulang ito
dahil tulad ng marami pang
Salve at Nena, tumututol ako

And hell to those literati
who will call this piece a kili-kili poetry.
Wala akong paki
I just wanna say Fuck!
and Fuck this poverty!



***
2011
Oran, Algeria

Wednesday, July 20, 2011

ganito ka namin gustong alalahanin (para kay kasamang ross)

sa mga pigtal na tsinelas;
bali at duguang plakards;
ligaw na rubber shoes
hubad na paa;
namamanhid at mahapding mukha;
tinirgas at namumugtong mata;
duguang eskinita
taas kamaong-maralita
humandusay na magsasaka
sa Taft Avenue,
sa Welcome Rotonda
hanggang sa tulay ng Mendiola . . .

may luha man kami ngayon sa aming mga mata
mananatiling buhay sa aming pandinig
ang kalmado mong tinig
sa tuwing bubuwagin ang hanay
at nasa gilid ka upang magbigay
ng habilin sa kung ano ang dapat gawin
timon at gulugod
sa makauring paglilingkod
propagandista’t taga-gising
ng bayang nagupiling
Kasamang Ross
ganito ka namin gustong alalahanin



***
PAALAM ROSS. Si Ross Anonuevo (Jolas sa mga kaututang dila at Ting sa mga malalapit at piling kaibigan) ay nahalal na business manager sa kaunaunahang post-martial law BA student council sa UE noong 1982, naging coordinator ng Kapit-Bisig Party Alliance, at isa sa mga namuno ng League of Filipino Students. Kasapi siya ng UE Kapit-Bisig Alumni Association Inc.

Friday, April 15, 2011

Diskurso

Malaya na ang tao kapag hindi na siya naghahangad nito.
-- Khalil Gibran





Kalayaan! kalayaan! kalayaan! --- Nino?
Namin. Nila. Ninyo. Katumbas ba ito
ng buhay at luha? ng ibinububong dugo para sa lupa?
Oo, katumbas ito nang pagkapatid ng daantaong tanikala—
ipinulupot at isinakal sa leeg nilang inagawa’t pinagkaitan
Mainam ang pagsunod. Hindi na nito madaragdagan ang latay
ng latigong inihahaplit at inihahataw. Maiibsan ang hapding sugat
ng gapos sa leeg at kamay – bumabaon sa bawat nilang paghatak
sa tuwing tumatanggi. Kahit paano’y maaampat ang pagtagas ng dugo.
Tumingin ka sa paligid mo, wala na bang higit na magandang bagay
kaysa sa kalayaang tila tinitibag, hinuhukay ng tao sa tipak ng bato?
Wala na bang mas mahalaga -- liban sa pagkapatid ng mga tanikala?
Ito ang sigaw ko. Siyang bubuo sa punit na dangal ng abang bayan ko.
Kailangan ito at siyang dapat isigaw: Paglaya! Paglaya! Paglaya!
Nino? Ng mga tao namin? Ng mga tao nila o ng mga tao ninyo?
Kailangan ang kalayaan, dito, doon at saanmang dako.
Hanggang kailan at paano? Hanggang saan at para kanino?
Para sa naghahari bang inihahataw ang kamay na bakal
upang manatili ang kalayaan? O sa kanilang nagnanais nito—
sinisilaban, pinapatid sa apoy ang tanikala ng panaghoy
upang sa paglaya, sikilin din naman ang laya ng iba?
Mainam ang kalayaan. Mainam -- kapag nawala na
ang paghahangad para rito -- walang kasing-inam
kung mapaglalaho nito’t malulusaw ang mga tunggalian.



****

Oliver S. Carlos
March 17, 2011
Oran, Algeria

Saturday, January 8, 2011

INTIFADA!


(Food Riot / Uprising in Oran, Algeria)


ngayong itinaas nila ang mga tabak
sasabihin ba nating
maaari ngang mangibabaw
ang kaisipan sa kalam ng tiyan?
na sa dulo ng pisi, naroo’t nagkakanlong
ang dumurupok na hinahon?

samantalang sumisigaw
silang bundat sa kapangyarihan:
essalam!
essalam!
malulunod ang pumapayapa
at kumakalmang mga kataga
sa ngitngit at dagundong ng pag-aalsa:
intifada!
intifada!
at ngayon na

ngayong nakataas na ang mga tabak . . .
patototohanan kong gutom
ang kumadronang nagpapaanak
ng dahas at pangangahas

dahil hindi na simpling protesta
ang naririnig ko’t nakikita
giyera!
giyera!
ang isinisigaw nila.


*******
Oran, Algeria


*** inilathala rin ng emanilapoetry

Saturday, January 23, 2010

Sapagka't Natatakot Ninyong Itanong

Nang wari’y telang-itim na piniringan ng ulap ang mga tala
hindi niya sinabing ito’y isang pakikidigma. Hindi nagbabala
ang sugatang dibdib ng bundok
na hihinga ito, patatalsiki’t pagugulungin
ang nakayakap niyang mga bato
sa ilog, lupa, batis at mga lawa

Walang kinalaman
kung idinuduyan man ng hangin
pakaliwa o pakanan
ang naglambiting mga hamog sa dahon—
wala silang pulitikal na opinyon

Hindi rin dinidigma ng mga kabahayan
ang sinakal sa putik na mga kanal
dahil magkatuwang na sila, daantaon na,
bago pa bumuga ang usok sa mga pabrika
bago pa dumaloy ang nakalalasong mga kemikal.
At kung napagkaitan man nila ng masisilungan
ang mga balo, musmos at walang kinalaman,
wala silang anumang pagkamuhi;
ni hindi nila patakaran ang hayaan silang
magpagala-gala at mamatay sa mga lansangan

Huwag niyo sana silang sumbatan
kung naglahad man ng kamay
ang nagsabarung-barong na mga tulay;
o ang lunsod, na nilalakaran ngayon
ng mga buhay na patay, ng mga balat at kalansay

Huwag niyo sanang kastiguhin
kahit ang nakabalatay na mga barbed-wire
sa ganid na bakod na may “NO TRESPASSING” sign—
wala silang paninindigang pulitikal

Kahit ang mga dingding na maraming taon nang
umuulinig sa mga ungol ng pag-uusig,
at nakakakita sa dugo at luhang dumadaloy
sa binusalang mga bibig, hindi nila ninais
na manatiling nakamasid at nakikinig lang
habang ginigilitan ng leeg at lalamunan ang kalayaan

Ni hindi nagprisinta ang mga puno
na putulin sila at gawing dingding at tabla
upang saksihan lang ang kalupitan
ng tao sa tao
ng tao sa kalikasan

Itanong ninyo
kung kaninong lagda ang nasa ilalim ng mga kautusan
kung kaninong selyo ang idinampi sa kanang gilid ng plano
ng nagtataasang mga gusali. Itanong ninyo
kung nasaan si Atienza, kung nasaan
si Bayani o kung ano ang masasabi tungkol dito
ni Bertong Adik, ni Juanang Five-six o ni Mother Lily

Itanong ninyo ang lahat. Tanungin ninyo ang lahat.

Bakasakaling kung wala nang sumasagot
mauwi na lang kayo sa kinatatakutang tanong sa sarili:

Nung nangyayari ang lahat ng ito, NASAAN AKO?




---------
10:00pm
Oran, Algeria

Saturday, January 9, 2010

Ligalig

Sa kawalang-halaga—
dito nananahan ang buhay. Maging ang kamatayan

Nakasiksik sa madidilim na sulok at madalas
ay kumakapit sa pihitan ng mga tarangkahan.
Upang balewalain lang. Kahit tingin di man lang tapunan.

Sinusulsi natin ang sapot ng sapantaha,
nilulubid ang mga gustong paniwalaan
tungkol sa ugnayan ng pangyayari at mga bagay
upang malaman na sa dakong huli
lahat, sayang lang.
Dahil di nila tayo naiintindihan.


Sa gitna ng sanga-sangang diskurso,
sa nag-uumpugang kaalaman,
Sa nag-aalab na balitaktakang
nagsimula sa bulong at ngayo’y nagiging mga sigaw,

mistula akong tumitiyad sa bloke ng manipis na yelo—
at sa kapirasong espasyong ito ng kawalang-katiyakan,

nagtatanong ako
ano nga ba ang ginagawa ko rito?

Saturday, January 2, 2010

Titig sa Usbong

****************






tuwing sinasabi nilang ang pagsulat hinggil sa kalayaan
ay isa nang gasgas na tema

tuwing nag-aatubili ang pluma
sa paghabi ng taludtod para rito

masarap titigan ang nagpupumilit na paggapang
ng sariwang usbong ng kalabasa—

sinasayawan nito ang bawat dipa ng lupang
nasasakop at nararating

matapos mailusot ang sarili
mula sa kumpol ng walang silbing mga damo






***********
January 2, 2010
Oran, Algeria

Sunday, October 11, 2009

Si Ondoy at ang Pilosopiya ng Kantitatibo / Kalitatibong Pagbabago








Pinadaloy ni Ondoy, isang araw, ang hilakbot at hinayang.
Parang Spoliarium ni Luna,
gumimbal sa madlang nakakita ang mga larawan:

Mga patak ng luha -- sumanib sa agos
at humalik sa mga pasimano’t bubungan;
anupa’t ang buong pamayanan
naging kuwadrang lumulutang.

Nakitang magkaakbay, inaanod sa nagsa-dagat na lansangan
ang mga pigtas na tsinelas,
Ferragamo sandals,
supot ng nilimos na kanin,
banig na karton,
bag na Prada at Loui Vuitton

Nilunok ng ilog, magkayakap na gumulong
at pasinghap-singhap na lumubog
ang makikintab na Toyota Corolla at nanlilimahid na kariton

Kasama ng mga nasa trono ng kapangyarihan, sinisisi nila
ang Angat Dam, ang Ambuklao, ang Maasim at Pantabangan
Walang maririnig kundi piksi at palatak ng panghihinayang.
Maririndi ang mga dam sa dagundong ng mga sumbat at tungayaw.

Nguni’t kung makapagsasalita lamang, sasabihin nila:

“Itinuro namin sa inyo ngayon ang pilosopiya ng kalikasan:
Kakalusin, isang araw, ang kasakiman at kahirapan.
Sa pagsapit, sabay-sabay, daluyong na aalsa
ang mga pinahihirapan at pinagsasamantalahan.
Wawasakin nila ang lahat ng harang. Magaganap
Matutupad sa isang iglap ang isinisigaw nilang
kalayaan at pagkakapantay-pantay.”


Kung kailan at paano? Iminumungkahi ito
ng natutunaw na yelo sa loob ng baso.




--------
October 2009
Oran, Algeria

Sunday, September 13, 2009

Sa Opisina

--------




10:15 AM
At my desk


Ang puwit ko’y hindi kanto ng mesa
na lagi n’yo na lang sinasagi at binabangga
Hindi rin po mousepad ang braso ko at balikat
na pasimpleng hinihimas, pinipisil, sinasalat
Ang hita ko’y hindi tulad sa itinerary o memo
na halos mabura na sa naglalaway na titig n’yo
At lalong hindi armrest ng swivel chair ang utong ko
na parating dinudunggol ng malikot ninyong siko
Huwag n’yo naman akong daanin sa padinner-dinner
na ang laging kabuntot ay let’s go somewhere

Sir,

Babae po ako. Katulad din ng ina mo (!)








-------------
September 13, 2009
Oran, Algeria

Saturday, July 11, 2009

Ang Aking Lumang Litrato

Nasaan ba siya rito? Ang naulinigan ko mula sa iyo.
Hindi ako sigurado kung sino talaga ang iyong tinatanong

Yan bang lumang litrato na hawak mo?
Ang sarili mo? O Ako?

Nariyan ako

Kung titingnan mo lang na mabuti, kahit natutungkab na
ang gilid at mapusyaw na ang kulay, maaaninag mo pa riyan
ang nakayukong puno na sanga at mga dahon lang ang nakunan--
diyan sa bandang kanan.

Sa background naman, nariyan ang dalisdis
na tinubuan ng medyo kumakapal nang talahib,
mga bulaklak na ligaw at maliliit na halamang-bundok
na dinidilaan ng sinag ng papalubog na araw.

Napapansin mo ba ang nakaalsa at parihabang lupa
na tila iniiyakan ng puno sa gawing kanan? —
Iyan mismong tinatakpan ng mga daliri mo ngayon—

Nariyan ako.

Hindi mo na nga lang ako makikitang nakangiti,
o nakataas ang kuyom na kamao, gaya ng dati.

(Kinunan kasi yan isang araw matapos akong mabuwal.
Diyan ako inilibing ng ating mga kasama
Pagkatapos naming maka-engkwentro
ang mga pasistang sundalo sa may Sapang-Bato)

Sunday, June 14, 2009

Indulhensya




Nilalapirot na mumo
sa hinlalaki’t hintuturo ang mga siphayo.

Ang takda—gumugulong,
umiinog na labirinto
ng mga walang sagot na tanong

Kaibigan niya ang Nazareno (yun ang sabi niya)
Kaakbay sa luhod-lakad na litanya
ng rosaryong nalilipasan ng gutom;
ng agua-benditang tila-ulang sinasahod
upang pagmulat, pasuray-suray ding humanap
ng pantighaw -- tubig na maiinom.

Sa bangketa ng Legarda, uupo
isasandal ang katandaan. Iuugoy ng umuusok
na tambutso ang mga singhap; at doo’y hahanapin
hindi sa dasal, kundi sa baryang inilalaglag
ng mga nagmamadaling nilalang ang mga ulyaning pangarap.

At habang pinagugulong sa lalamunan ang butil-butil na asam,
tila kuwadradong yelo ang mga ito, kumakalansing,
nilulunod sa alak
sa loob ng mga nagpipingkiang kopita ng kapangyarihan
sa kabila ng tulay -- sa ilog ng paghihiwalay.

Samantalang silang mga pinahiram ng poder
ay palalong nagdiriwang,
kasama ng diyos (na kaniyang kaibigan),
nilalapirot na mumo sa hinlalaki’t hintuturo
ang tiklop-tuhod na pag-asa
sa piling ng barya-baryang mga habag
na kasama niyang nalalaglag.

Monday, June 1, 2009

Pagsasalong

Nakasabit ang riple
sa dingding ng pagkapagal

May sunog na pulburang
namumuo, tumitigas sa barrel
at sa gilid ng puluhan.

Nagsusupling ang gagamba
sa madidilim nitong sulok. Naglalambitin
sa pilak na sapot na kanyang nalikha

Habang ang gatilyo’t asintahan
ay pataksil na kinakain ng kalawang

Walang kamay
walang langis at basahan na dadalaw man lang.

Mananatili siyang nakasabit—
Naghihintay.

Aasa ng pagbanggit
sa pinagdaanang pait, dusa at kagitingan
sa gitna ng pag-aalinlangang nilunod ng mga punglo

habang ang gagambang nagduduyan
ang kanilang pinapupurihan.

Wednesday, May 20, 2009

EDSA (one, two, three, four, five...and so on)

Nakangisi pa kayo at nagtatawanan
habang magkakatuwang ninyo akong itinulak sa putikan
matapos pasakayin
sa umaalingasaw na kariton ng inyong kababuyan!

Kapwa Pilipino! Kapwa-mahirap!

Kung di lang sana nakasubsob sa lusak ang ating mga mukha
kung di lang sana natin pakalmot na iginagapang ang mga kamay
sa lubluban ng pagkatuso at pagkakanya-kanya,
disinsana’y kinakabog natin ngayon ang mga usling dibdib;
Hindi sana nakayuko
tulad ng mga uhaw na sanga ang ating mga ulo.

Ambisyon ang siyang lason! –
na pumupuno sa baso ng pagkaganid.

Anong dangal pa ang makukuha
sa mga hungkag na talumpati,
sa mga kuyom na kamay
na ilang ulit na nating pinagbuklod,
kung lagi at lagi
napapailing tayong lumilingon at nanghihinayang,
dahil tayo rin ang tumitibag sa mga pundasyong itinindig natin sa dugo.

Kunsabagay, retasong nakadugtong
sa laylayan ng bawa’t tamis ang pait
at tuwina, sa pait lang nauuwi ang lahat.

Marahil nga
Pakanan man o pakaliwa
Padausdos man o paahon--

Hindi masamang mangarap.