Tuesday, December 29, 2009

Alaala ng Tag-ulan

dalawampung-taon ka
ako nama’y labing-lima
nuong sinabi mo sa akin:

ang pag-ibig ay ito, ang pag-ibig ay iyon.

pumitas ka ng dahon mula sa kawayang
yumuyuko, humahalik sa lupa

at itinuro mo ang malalabay na sanga ng nara
na humahaplos, humahalik sa usli niyang mga ugat;

saka mo binilang ang mga kristal na hamog
na sinusuyo, idinuduyan ng mapaglarong hangin.

wala akong naunawaan sa mga sinabi mo
dahil nakatitig ako sa iyo


habang ikaw ay nakatingala
at nag-aabang sa mga hamog—

marahan silang bumababa
mula sa mga dahong nasa itaas
padausdos sa mga dahong nasa ibaba
hanggang sa sila’y

mahulog

mabasag

sa nakalahad mong mga palad.


dalawampung-taon ka noon . . .
at dalawampung tag-ulan na rin iyon.



wala


wala nang iba pang pag-ibig



na naligaw mula noon.

Saturday, December 26, 2009

Lihim ng mga Titig


Saan nga ba maaapuhap ng naguguluhan kong sulyap
ang saklaw na lihim ng iyong mga titig?

Kasingdami ng isinasaboy mong buhangin
ang aking mga tanong
tungkol sa iyo
tungkol sa atin
tungkol sa kung anong mayroon pa tayo ngayon.

Mga tanong, na alon at alon lang
ang sumusundo at tumitipon
upang pabalik na ihampas lamang
sa batuhan—kung saan tayo ngayon nakatuntong.

Napapagod akong hanapin sa iyong mata
ang mga sagot. Pilit kong inaaninag ang mga ito
sa kilapsaw na likha ng nagtatampisaw mong mga paa.

Tayo pa ba? Kibot lang ng labi ang nagpapahiwatig.

Tinatapunan mo ako ng titig—mga blangkong titig
na di ko batid kung pagsuyo
kung sumbat o panibugho.

May saklaw na lihim ang iyong mga titig
maraming bagay ang ibig sabihin


na
sa
dibdib
ko


sa dibdib ko’y nagiging mga tinik

isa-isang tumitimo -- nagpapadugo.

Thursday, December 24, 2009

Nakikisilong


Dumarating ka
Sa mga sandaling hindi na ako humihiling

Ikinakawit
Sa aking batok, sa aking beywang
Ang mga langong paanyaya, mga pagsamo

Na bumalik sa mga patak at lagaslas
Ng tubig sa dutsa

Sa mga pagbaling, pagpihit, pananabik
Na marahang nilulusaw ng mga langitngit

Ng kama
Ng humihingang sahig.

Sa silid na ito ng mga alaala
Paulit-ulit
Iniaabot mo sa akin ang iyong mga pasalubong:

Hiniwa-hiwa at pira-pirasong paliwanag
Nakalata, yupi-yuping paghihintay
Nakaboteng halik – padaplis, kagyat, nakaw.
Nakasupot na mga kumusta na
Mga nagmamadali at walang-katiyakang
Babalik ako sa linggo

Tingi-tinging pagmamahal na iniiwan
Sa mga kislot at gusot ng sinapinang kumot.

Dumarating ka sa mga sandaling
Pagod na akong humiling

At tuwina, heto ako
Natataranta
Hindi alam ang gagawin.

Saturday, December 19, 2009

Tuwing Lilisan ang Tag-araw

Itinataghoy ko
Ang pagkawala
Ng marami
At magagandang bagay

Kagaya halimbawa,
Ng kagagapas na palay—

Nakalatag, gintong balabal
Sa balikat ng dalagang
Ang pawis sa noo at karit
Na tangan ay pinakikinang ng araw.

Sisipol ang habagat
Upang ihudyat ang pagkabulok
At pagkalusaw ng dayami

Na muling inaangkin ng bukid
Pagsapit ng tag-ulan.

Nakapanghihinayang . . .

Walang bagay, wala ni isa man

Ang nananatili’t nagtatagal.

Saturday, November 28, 2009

At Inihakbang Nila ang Kanilang mga Paa





---------



At inihakbang nila ang kanilang mga paa.

Malamyos. May iisang ritmo.


Hindi tulad ng napagod na mga paa nating

minsan


sinubukang umindak; sumayaw

paikot sa nakapagitnang altar–



pag-ibig.
Ninais ikutin, sakupin--


sa padyak at indak
ng inosenteng mga paa--


ang malambot, nangingintab

at namumulaklak na damuhan.








************

November 28, 2009
Oran, Algeria

Tuesday, November 10, 2009

Ding Bersu Cung e' Cucupas

Buri co sanang sambitlan
queca iparamdam
ding bersu cung
e’ cucupas capilan man
E ra calupa
ring iskulturang gintu nung nocarin la miyuquit
ding reyna at haring sasamban da
caring altar da ring tore at palasyu.
E ra cawangis
ding matitibag a diyos-diyosang
macatuclu caring telacad dang monumentu;
Sinta cu’t pacamalan!
quiquinang cang alang angga
caring cacung salita--lalung igit careta.


Pagnasan cung atipun ngan
ing sablang mayap a amanu
antimong miyayaliwang cule batu,
ban queta ibaldug cong tunggal-tunggal
lalam ning masalusung ilug—
at carin, manatili lang quiquislap
lacwan-dasan no man ning talusirang agus.


Nung sacali at mayala nong sala
dening cacung mata na angga qng catatawlian
y ca mu bucud ing buri dang atanglawan;
Nung sacali at e cu na apigil
ing pangapatad ning inawa,
at sinta co, e da na ca apanaya,
Lungub ca sa at malaus qng dampa tang mengulila
Mibalic ca
at carin aquit mu la
ding bersu cung macasulat
maningaya para queca. Aldo’t bengi,
maniguptang alang sawa:
ding bersu cu maplus la sa qng salu mu at ganaca;
balican mu ing milabas qng siping cung mipnung tula.



*************
December 9, 2009
Oran, Algeria

Saturday, November 7, 2009

Cinquain 20091106-1

2009Nov07






--------------



drooping
leaving. like leaf
drifting, nowhere to go.
your hatred is a cloud shrouding
our rays






---------


5:30 pm

Cinquain 20091106

2009Nov07





--------------


silence
oh! rasping voice
let dead lips congregate--
and thrust their words unto my breast
like knives





--------------








9:00 am

Sunday, October 11, 2009

Si Ondoy at ang Pilosopiya ng Kantitatibo / Kalitatibong Pagbabago








Pinadaloy ni Ondoy, isang araw, ang hilakbot at hinayang.
Parang Spoliarium ni Luna,
gumimbal sa madlang nakakita ang mga larawan:

Mga patak ng luha -- sumanib sa agos
at humalik sa mga pasimano’t bubungan;
anupa’t ang buong pamayanan
naging kuwadrang lumulutang.

Nakitang magkaakbay, inaanod sa nagsa-dagat na lansangan
ang mga pigtas na tsinelas,
Ferragamo sandals,
supot ng nilimos na kanin,
banig na karton,
bag na Prada at Loui Vuitton

Nilunok ng ilog, magkayakap na gumulong
at pasinghap-singhap na lumubog
ang makikintab na Toyota Corolla at nanlilimahid na kariton

Kasama ng mga nasa trono ng kapangyarihan, sinisisi nila
ang Angat Dam, ang Ambuklao, ang Maasim at Pantabangan
Walang maririnig kundi piksi at palatak ng panghihinayang.
Maririndi ang mga dam sa dagundong ng mga sumbat at tungayaw.

Nguni’t kung makapagsasalita lamang, sasabihin nila:

“Itinuro namin sa inyo ngayon ang pilosopiya ng kalikasan:
Kakalusin, isang araw, ang kasakiman at kahirapan.
Sa pagsapit, sabay-sabay, daluyong na aalsa
ang mga pinahihirapan at pinagsasamantalahan.
Wawasakin nila ang lahat ng harang. Magaganap
Matutupad sa isang iglap ang isinisigaw nilang
kalayaan at pagkakapantay-pantay.”


Kung kailan at paano? Iminumungkahi ito
ng natutunaw na yelo sa loob ng baso.




--------
October 2009
Oran, Algeria

Tuesday, October 6, 2009

Disiotso

sa pagitan ng ikawalo at ikasiyam ng umaga
palakad-lakad
ang disiotso-anyos na maybahay
sa likod ng nililipad na kurtina
ng bahay na tisa ng kanyang asawa

madalas ko siyang sulyapan
sa tuwing binabaybay
ng tumitirik kong motorsiklo ang Block 69

ngayong araw, muli niyang binuksan
ang bakal na tarangkahan
upang tawagin ang tindera ng gulay;
o hintayin ang naglalako ng bisugo at tamban
sa harapan ng bahay
ngumiti siyang tila nahihiya
pinagsalikop ang mga brasong
nais takpan ang dibdib na ikinukubli
ng manipis niyang negligee.
habang kanyang ipinupusod ang hinahanging buhok,
itinutulad ko siya
sa dahong binibitawan
pinakakawalan
ng walang pakialam na tangkay

kanina
habang nakangiti,
marahan akong yumuko. . .
palihim, kumindat siya at kumaway.

walang kaluskos ang gulong
ng motorsiklong aking inaakay
habang ako'y dumadaan
sa graba at buhanginan

Monday, October 5, 2009

meeting place

-------------





inisang lagok ng inip na bibig, bakasakaling
mailunod ang panis na laway sa lumamig na kape

na tatlong oras nang sinusuyo, hinahalo
ng pilak na kutsaritang

nahilo na rin
sa kaliwa’t kanang ikot ng pag-aalala.

sinusumbatan ng titig ang dingding
nililingkis, tinatanong ng kanang paa

ang kaliwang paa: darating pa ba siya?
walang maitutugon ang kaliwang paa

na nagsisimula ng humakbang -- palabas.
minsan, maging ang kinakabog na mesa

at isinasalyang upuan
walang sagot na naibibigay.

tanong sa tanong din lang
ang natatagpuan

ang naiiwan
sa mga tagpuan.




------------

Sunday, October 4, 2009

Kabilang Pisngi ng Pagtulog

babantayan kita sa iyong pagtulog.
kahit na alam mong hindi na mangyayari,
nais kong samahan ka

maging haplos
sa dibdib ng pinakapayapa mong pananaginip
upang tulad sa banayad, minsa’y alimpuyong alon,

muli kong maipadama
ang padausdos na pagdampi
ng nagliliyab kong labi

aakbayan kita
sa pusod ng nakasisilaw at kumakaway na gubat –
na nag-iingat sa pinitas nating mga tangkay at bulaklak

bubuhatin, sa lilim ng nagtutubig na araw
patungo sa kwebang naging piping saksi
sa sinambitla nating pananatili.

doon man lang, minsan pa,
muli kang makapanaog
mula sa batuhan ng iyong mga takot,

sa bangin at bingit ng mga alinlanga’t pagkabalisa
na hanggang ngayon, hanggang ngayon ay nakapiit—
likidong sumusungaw, dumadaloy sa hapis mong mga mata.

aaliwin kita. papasanin sa aking mga balikat
at gaya ng dati, aabutin mo ang kulay-pilak na mga tangkay;
hahawakan ko ang iyong kamay upang iyong mapitas, maipon,
mai-kuwintas ang pinakamunti at pinakaputing mga bulaklak.

muli kitang isasandal
sa dibdib ng naniniyak kong mga kataga,
ng di-magmamaliw kong sumpa: narito lang ako

lalaging para sa iyo, isang kanlungan at gabay
tulad ng bangkang magsasakay, mamamaybay
at magbabalik sa iyo kapag nais mo nang magpahinga

at sa iyong paghimlay, ikaw ang aandap-andap na apoy
na hahawakan ko at ikukubli sa aking mga palad.

mananatili akong isang masuyong hangin
sa hinuhugot mong hininga

hindi mo man nakikita
bahagya mang nadarama.