
Pinadaloy ni Ondoy, isang araw, ang hilakbot at hinayang.
Parang Spoliarium ni Luna,
gumimbal sa madlang nakakita ang mga larawan:
Mga patak ng luha -- sumanib sa agos
at humalik sa mga pasimano’t bubungan;
anupa’t ang buong pamayanan
naging kuwadrang lumulutang.
Nakitang magkaakbay, inaanod sa nagsa-dagat na lansangan
ang mga pigtas na tsinelas,
Ferragamo sandals,
supot ng nilimos na kanin,
banig na karton,
bag na Prada at Loui Vuitton
Nilunok ng ilog, magkayakap na gumulong
at pasinghap-singhap na lumubog
ang makikintab na Toyota Corolla at nanlilimahid na kariton
Kasama ng mga nasa trono ng kapangyarihan, sinisisi nila
ang Angat Dam, ang Ambuklao, ang Maasim at Pantabangan
Walang maririnig kundi piksi at palatak ng panghihinayang.
Maririndi ang mga dam sa dagundong ng mga sumbat at tungayaw.
Nguni’t kung makapagsasalita lamang, sasabihin nila:
“Itinuro namin sa inyo ngayon ang pilosopiya ng kalikasan:
Kakalusin, isang araw, ang kasakiman at kahirapan.
Sa pagsapit, sabay-sabay, daluyong na aalsa
ang mga pinahihirapan at pinagsasamantalahan.
Wawasakin nila ang lahat ng harang. Magaganap
Matutupad sa isang iglap ang isinisigaw nilang
kalayaan at pagkakapantay-pantay.”
Kung kailan at paano? Iminumungkahi ito
ng natutunaw na yelo sa loob ng baso.
--------
October 2009
Oran, Algeria
Sunday, October 11, 2009
Si Ondoy at ang Pilosopiya ng Kantitatibo / Kalitatibong Pagbabago
Posted by
Verso para Libertad
at
10:53 PM
2
comments:
Labels: poems (activism; protest)
Tuesday, October 6, 2009
Disiotso
sa pagitan ng ikawalo at ikasiyam ng umaga
palakad-lakad
ang disiotso-anyos na maybahay
sa likod ng nililipad na kurtina
ng bahay na tisa ng kanyang asawa
madalas ko siyang sulyapan
sa tuwing binabaybay
ng tumitirik kong motorsiklo ang Block 69
ngayong araw, muli niyang binuksan
ang bakal na tarangkahan
upang tawagin ang tindera ng gulay;
o hintayin ang naglalako ng bisugo at tamban
sa harapan ng bahay
ngumiti siyang tila nahihiya
pinagsalikop ang mga brasong
nais takpan ang dibdib na ikinukubli
ng manipis niyang negligee.
habang kanyang ipinupusod ang hinahanging buhok,
itinutulad ko siya
sa dahong binibitawan
pinakakawalan
ng walang pakialam na tangkay
kanina
habang nakangiti,
marahan akong yumuko. . .
palihim, kumindat siya at kumaway.
walang kaluskos ang gulong
ng motorsiklong aking inaakay
habang ako'y dumadaan
sa graba at buhanginan
Posted by
Verso para Libertad
at
12:05 AM
0
comments:
Labels: poems (malayang indayog)
Monday, October 5, 2009
meeting place
-------------
inisang lagok ng inip na bibig, bakasakaling
mailunod ang panis na laway sa lumamig na kape
na tatlong oras nang sinusuyo, hinahalo
ng pilak na kutsaritang
nahilo na rin
sa kaliwa’t kanang ikot ng pag-aalala.
sinusumbatan ng titig ang dingding
nililingkis, tinatanong ng kanang paa
ang kaliwang paa: darating pa ba siya?
walang maitutugon ang kaliwang paa
na nagsisimula ng humakbang -- palabas.
minsan, maging ang kinakabog na mesa
at isinasalyang upuan
walang sagot na naibibigay.
tanong sa tanong din lang
ang natatagpuan
ang naiiwan
sa mga tagpuan.
------------
Posted by
Verso para Libertad
at
10:31 PM
2
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Sunday, October 4, 2009
Kabilang Pisngi ng Pagtulog
babantayan kita sa iyong pagtulog.
kahit na alam mong hindi na mangyayari,
nais kong samahan ka
maging haplos
sa dibdib ng pinakapayapa mong pananaginip
upang tulad sa banayad, minsa’y alimpuyong alon,
muli kong maipadama
ang padausdos na pagdampi
ng nagliliyab kong labi
aakbayan kita
sa pusod ng nakasisilaw at kumakaway na gubat –
na nag-iingat sa pinitas nating mga tangkay at bulaklak
bubuhatin, sa lilim ng nagtutubig na araw
patungo sa kwebang naging piping saksi
sa sinambitla nating pananatili.
doon man lang, minsan pa,
muli kang makapanaog
mula sa batuhan ng iyong mga takot,
sa bangin at bingit ng mga alinlanga’t pagkabalisa
na hanggang ngayon, hanggang ngayon ay nakapiit—
likidong sumusungaw, dumadaloy sa hapis mong mga mata.
aaliwin kita. papasanin sa aking mga balikat
at gaya ng dati, aabutin mo ang kulay-pilak na mga tangkay;
hahawakan ko ang iyong kamay upang iyong mapitas, maipon,
mai-kuwintas ang pinakamunti at pinakaputing mga bulaklak.
muli kitang isasandal
sa dibdib ng naniniyak kong mga kataga,
ng di-magmamaliw kong sumpa: narito lang ako
lalaging para sa iyo, isang kanlungan at gabay
tulad ng bangkang magsasakay, mamamaybay
at magbabalik sa iyo kapag nais mo nang magpahinga
at sa iyong paghimlay, ikaw ang aandap-andap na apoy
na hahawakan ko at ikukubli sa aking mga palad.
mananatili akong isang masuyong hangin
sa hinuhugot mong hininga
hindi mo man nakikita
bahagya mang nadarama.
Posted by
Verso para Libertad
at
12:07 AM
0
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Friday, September 25, 2009
mibabayatnan

mibabayatnan ya ing pusu cu
qng dacal nang panamdaman
mengari yang impun langca
a mipnung bungang
c u c u l d a s,
c u c u s a d,
m
a
g
b
a
b
a
buri cu man, e ra ca adinan
atin aliwang pupupul
atin aliwang maquinabang.
dapot nung sacali
bandang gatpanapun
o caya bengi
mipapunta ca queni,
at ala cang iquit
ninumang durut-durut
agyang nicnic a magbante
at apansinan mung
ating mebalag a bunga,
panacawan me.
quecata nang adwa.
(ala nang aliwa pang macabalu
a minsan a bengi, penaco mu cu pusu).
-------
September 2009
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
7:24 AM
0
comments:
Labels: poems (kapampangan)
Monday, September 21, 2009
"Kisap" (An Anecdote)

alas-kwatro ng umaga
wala akong marinig
kahit tilaok man lang ng tandang
tulad ng dati
mag-iinat siya
ipipisig ang nagdaang gabi
isusuot ang kanyang blusa
at lalabas ng tarangkahan
dadaplis lang sa pisngi ang pamamaalam
walang maiiwan
kundi pait
na nakakapit sa suot kong apron
napakarami ko sanang gustong sabihin . . .
Posted by
Verso para Libertad
at
1:37 PM
0
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Tuesday, September 15, 2009
Elehiya sa Almusal
wala akong kakaining tocino at sinangag. sadyang mahirap
tumitig sa kalan kung sumisilaw sa mugtong mga mata
ang nakapulupot at humahalik-sa-batok nitong apoy.
parang baboy na kinakatay, lumuwa na yata ang ngala-ngala
ng kapitbahay kong bokalista; dahil sa pilit inaabot na nota—
hindi naman love song—sa wari ko’y elehiya. lumiligwak tuloy
mula sa naninilaw kong tasa ang mapait na kape—
gustong tumakas? o gustong sumanib
sa tunog at dagundong ng mga instrumentong
hindi naman makasundo ng binibirit na kanta
gumagana na nga pala ang DVD player
ni-repair ko kahapon. gumigiling
habang hinuhubad ang panty at bra nung babaing bida
doon sa bala ng DVD na nabili ko sa bangketa
sumasabay sa koro ng nagtatahulang aso
ang angil at busina ng trak ng basura—
kung bakit naman kasi hindi pa lumayas
kung saang impiyerno man siya magtatambak.
tumitiyad na balyerina
ang nahahanginang kurtina—
sa likod ng inaagiw na bintana
hindi na sa ibabaw ng pandalawahang kama
na kinahihigaan
ng niyayakap at iniiyakang bangkay
sa katahimikan. sa araw-araw
nakiki-almusal ang langaw
walang kagalaw-galaw
ikinakampay ang mga pakpak
minsan nama’y palipat-lipat
sa ibabaw ng malamig na kape --- ng malamig na kama.
ako
ang langaw
ako at ang lumilipad na langaw.
********************
matapos maisulat, naglasing ako at saka ko kinausap at inaway ang akdang ito:
paano ba kita ihaharap sa mga nagbabasa? at bakit ba kita natawag-tawag na elehiya gayung hubad ka naman sa mga dramatiko at nagngunguyngoy na kataga? hindi ba dapat sobrang lungkot ang tono mo? matatawag ka kayang elehiya kung ang personang gusto ko na nagsasalita sa loob mo ay tumatalakay sa damdaming iniiwasan naman niyang masaling? paano ko ba palilitawing malungkot ka? na ang personang nasa iyo ay nagdadalamhati gayung ayaw namang aminin ng personang gusto ko na nasa ganun siyang kalagayan… (nagdadalamhati to the extent na maging ang mga bagay na nasa paligid niya, na hindi naman dating big deal, ay pinapansin niya at naging big deal na ngayon) at ayaw naman niyang may kung sino pang maapektuhan? paano mo nga ba ipapadama (bilang akda) sa mga makakabasa sa iyo ang pagdadalamhati gayung ang persona mo mismo, ayaw niyang makadama sila at makaranas nito? --- dahil masakit.
paano nga ba tatalakayin ang isang damdaming ayaw talakayin?
dito na lang sa unang linya, ang sabi ng persona: “wala akong kakaining tocino at sinangag” - - SO WHAT? maaaring itanong yan ng mambabasa. (what’s the big deal? ano naman ang pakialam nila dun?)
"hoy! matanong nga kita. sisisihin mo ba ang persona mo kung hindi man big deal sa mambabasa ay maging big deal na sa kanya ngayon yun? tocino at sinangag nga lang ba talaga ang wala? paano ang mga matatamis na alaalang nasa likod nun…na kumukurot sa kanya at ayaw na niyang maalala at pag-usapan pa; dahil hindi naman dapat ginagawang big deal yun at mapagkakamalan lang siyang senti at mahina kung ililitanya pa niya ang mga alaalang kaakibat nun sa mga nagbabasa. lalaki siya hindi ba? dapat matapang siya at hindi naman talaga siya nasanay magpaka-senti. masaya siya (dati) …gusto niyang manatiling ganun. bakit siya pakikialaman?…ikaw ang may-akda sa akin hindi ba? at gusto mo kamong ganito ang karakter ng persona? at bakit hahanapan ng lungkot ang persona mo kung ang bokalistang dating pinagtatawanan at sinasabayan nila nung namatay ay kinaiinisan na niya ngayon…e anu naman kung mas trip niyang mainis kaysa maglungkut-lungkutan dun sa sintunadong boses na dati’y hindi naman pinupuna pero ngayo’y naging masakit na rin sa tenga niya?. . . nagpapabalik sa nakaraan — kagaya ng lumiligwak na mapait na kape."
e kung itanong nila yung tungkol sa DVD player? bakit ba naligaw ang saknong na iyon? biglang sumingit at wala namang kinalaman sa nagbabasa? paano sasagutin yun?
“paano nasabing naligaw? hindi ba’t nakapagbigay naman ng clue ang persona sa unang mga linya na lumiligwak ang mapait na kape? e bakit pa ba naman kasi pakikialaman ng mga nagbabasa ang saknong na yun? kaya nga naka-italics dahil gustong ipakita na yung persona, kinakausap niya ang namatay…hindi niya kausap ang nagbabasa. kaysa isumbong pa sa nagbabasa na guilty siya e di kausapin na lang niya yung namatay; ipaalam na ni-repair na yung DVD player na matagal nang inuungot nung namatay dahil nakaugalian na nilang manood ng bold bago matulog. hindi ba pwede yun? sa isang akda ba hindi pwedeng kausapin ng persona ang sarili niya o ang ibang tao maliban sa mga nagbabasa.?”
e kung itanong, bakit may trak ng basura at tahol ng aso pang binabanggit? tapos mayroon pang tumitiyad na balyerinang kurtina?
“e bakit din ba? masama bang pansinin na ngayon ng persona yung tumatahol na mga aso at trak ng basura? paano kung inis na inis at kulit-na–kulit na siya sa kabubusina at wala naman siyang balak magtapon ng basura? paano kung hindi naman siya ang talagang nagtatapon nun dati?
masama din bang pagmasdan ang kurtina at itulad ito sa tumitiyad na balyerina? paano kung ayaw mang aminin ng persona, pilit pa rin bumabalik sa kanya yung masasayang alaala kaugnay ng kurtina. lumiligwak nga yung mapait na kape, remember? baka naman nagsasayaw dati yung namatay bago ikabit ang kurtina? baka naman yun din lang kurtina na yun ang saksi sa lahat ng nangyari?
so, nagdadalamhati na yung persona sa lagay na yun, ganun? bakit parang di maramdaman? at saka may kasama naman siyang langaw na pwede niyang pagtripan di ba?
“sigurado bang literal na langaw talaga yun?” loko ka pala e, paano nga kase mararamdaman e ayaw niyang iparamdam! ewan ko sa iyo, gusto mong maging tula ako ng pagdadalamhati tapos yung persona mo ayaw mo namang magdalamhati. saan ko ba ilalagay ang sarili ko sa iyo, ungas!
ungas ka rin. ang gulo mong akda ka. tula ng pagdadalamhati na may personang ayaw namang magdalamhati - - - elehiya ka ba?
Posted by
Verso para Libertad
at
5:58 AM
0
comments:
Labels: poems (malayang indayog)
Sunday, September 13, 2009
Sa Opisina
--------
10:15 AM
At my desk
Ang puwit ko’y hindi kanto ng mesa
na lagi n’yo na lang sinasagi at binabangga
Hindi rin po mousepad ang braso ko at balikat
na pasimpleng hinihimas, pinipisil, sinasalat
Ang hita ko’y hindi tulad sa itinerary o memo
na halos mabura na sa naglalaway na titig n’yo
At lalong hindi armrest ng swivel chair ang utong ko
na parating dinudunggol ng malikot ninyong siko
Huwag n’yo naman akong daanin sa padinner-dinner
na ang laging kabuntot ay let’s go somewhere
Sir,
Babae po ako. Katulad din ng ina mo (!)
-------------
September 13, 2009
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
5:13 AM
0
comments:
Labels: poems (activism; protest)
Wednesday, September 9, 2009
Pamimigat
nabibigatan ang puso ko.
sa marami nitong himig,
tila punong-langka itong
hitik sa hinog na bungang
bu
ma
ba
ba
g u m a g a p a n g .
hindi kita mabibigyan
may iba nang nagmamay-ari.
nguni’t kung sakali
sa dapithapon
o di kaya’y sa gabi,
magawi ka rito
at walang umaaligid
o nagbabantay ni gamu-gamo
at mapansin mong
may nalalaglag na bunga
nakawin mo.
walang ibang makakaalam.
tayong dalawa lang.
Posted by
Verso para Libertad
at
7:42 AM
0
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Saturday, September 5, 2009
Mga Sagot at Paliwanag (pagkatapos ng question mark)
Bakit ka naglalakbay?
Dahil di ko matiis ang lamig sa silid ng bahay.
Bakit ka naglalakbay?
Yun ang kailangan kong gawin. At lagi kong ginagawa
Sa gitna ng mga sikat at lubog sa buhay ko.
Ano ang suot mo?
Kupas na maong, itim na t-shirt, itim na baseball cap, itim na medyas.
Ano ang suot mo?
Wala kahit ano.
Balabal lang ng hinagpis ang nagbibigay init.
Sino ang katabi mo sa pagtulog?
Napakarami nila. Nakalaro. Nakayakap bawat gabi.
Sino ang katabi mo sa pagtulog?
Buntung-hininga.
At ang walang-hanggang wala. Mula pasimula.
Bakit ka nagsinungaling sa akin?
Noon pa ma’y nagsasabi na ako ng totoo. Yun ang alam ko.
Bakit ka nagsinungaling sa akin?
Dahil maging ang katotohanan, kasinungalingan din lang
At labis kong inibig ang katotohanan.
Bakit ka lalayo?
Wala ng silbi pa ang lahat -- para sa akin.
Bakit ka lalayo?
Hindi ko alam.
Buong buhay ko ni hindi ko nalaman.
Hanggang kailan ako maghihintay sa iyo?
Pagod na ako. Gusto ko ng humiga.
Ikaw, pagod ka na ba?
Oo. Pagod na ako. Gusto ko nang humiga. Humimlay
At magpahinga…
Posted by
Verso para Libertad
at
6:59 PM
0
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Wednesday, September 2, 2009
Sevenling: (Chop-chop)
------------
gusto kong kunan mo ako ng litrato
sa loob ng bahay na ito: ulo sa inidoro,
paa’t kamay sa semento, torso sa lababo.
hindi man mahagip ng iyong lente ang naglahong ngiti
aasa ako, na sa bawa’t pitik ng iyong daliri
maitambad sa madla na may ganitong nangyayari
ibalandra mo ito sa lahat ng diyaryo. gusto ko itong maisa-dokumento.
------------
2009.09.02
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
5:48 AM
0
comments:
Labels: Sevenling
Monday, August 31, 2009
Cinquain: 20090831a
--------
this heart
with many songs
is heavy --like ripe fruits
bearing down the tree. take it
take me.
------
3:00pm
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
2:04 AM
0
comments:
Labels: Cinquain

