Nagtatahip ang ina ng inimis na bigas.
Maraming nalalaglag mula sa kiskisan.
Pasuray-suray.
Biling-baligtad ang mga langgam.
Nag-uunahang makalabas sa bilao.
Bagaman gutom din,
iniiwasan ang bagsak ng luha
mula sa inang balisa.
Tahip ng dibdib.
Kasaliw ng tahip sa bigas na imis.
Saan pa siya hahanap ng bigas na pantawid?
Bawal ng mamulot sa kiskisan.
Bawal ng makiusap na dugtungan ang buhay.
Nagpupulasan.
Di man nila sinasadya,
ang paglabas sa bilao ay pakikisimpatya,
sa mga tahip ng pagkabalisa.
Friday, February 29, 2008
Langgam sa Bilao
Posted by
Verso para Libertad
at
3:28 PM
6
comments:
Labels: poems (social relevance)
Sunday, February 24, 2008
Hikbi ng Payatas

Pulutin mo
O! munti kong anghel
ang mga pangarap na pilit mong hinahabi
dito sa kandungan kong tigib ng pighati.
Hanapin mo
sa naaagnas kong bisig
ang tinatanaw mong bukas.
Baka sakaling di pa ito
tinatangay ng mabahong hangin...
kasama ng nagliparang papel
na di na masasayaran pa ng pudpod mong lapis.
Kalkalin mo
ang katuparan ng kanilang pangako;
baka-sakaling makalahig mo ito
mula sa nakabalot na dumi ng tao,
na tila utot na nililitanya
ng mababahong bibig ng mga pulitiko.
Silipin mo
ang kalayaan mo mula sa gutom.
baka-sakaling nasa loob
ng kahon ng mga sapatos
na hinihimlayan ng naaagnas na fetus,
ang pagkaing sa iyo'y magpapabusog.
Langhapin mo
ang hanap mong karapatan.
baka-sakaling ituro sa iyo
ng usok na pumapailanlang...
o ng umaalingasaw na bangkay
nina ate at kuya na pilit nilang tinabunan;
dito...dito sa humihikbi kong sinapupunan.
(silang mga tinaniman ng punglo
upang di na pangarapin kailanman
ang kinabukasan para sa iyo na pilit nilang isinisigaw)
Ipunin mo
O’ pagod na anghel…
sa inuuod na sako ng iyong kamusmusan
ang basag na bote ng iyong mga pangarap
ang kumakalansing na lata ng iyong pagkabigo…
ang nadurog na garapon ng paslit mong mga ngiti.
Isakay mo…
sa pamamagitan ng naglalangib
at sugatan mong palad
ang lahat mong agam-agam at mga bagabag...
sa nanlilimahid na kariton
ng kawalang-katiyakan at madilim mong bukas.
Itulak mo...
itulak mo papalayo ang lahat mong hinanakit
sa lipunang ito na wala ng malasakit.
Posted by
Verso para Libertad
at
8:13 PM
9
comments:
Labels: poems (social relevance)
Wednesday, February 20, 2008
Janet...Hapdi ng Dekada 80

“Ang mga munting bagay na iyong ibinigay
ay lagi kong hawak sa aking mga kamay…
sa pamamagitan nila ikaw ay nabubuhay…”
Dalawampu’t dalawang taon na ang lumipas nguni’t patuloy pa ring bumabalik ang mga alaala ng isang madilim na yugto ng buhay ko...
Siya at ang aming friendship band na nagbigkis at patuloy na magbibigkis sa amin lumipas man marahil ang maraming taon…kahit siguro sa alaala na lamang.
Ibinigay nya ang friendship band na iyon sa gitna ng rally at tensyong lumulukob sa buong bansa…tig-isa daw kami. Lunes yun…Febrero 22, 1986. Sa gitna ng mga sigaw nuong umagang yun sa kasagsagan ng halos isang linggong EDSA 1… paano ko nga ba makakalimutan ang tila nahihiyang mga ngiti na iyon sa kanyang mga mata nuong iabot nya ang munting bagay na iyon habang abala kaming namamahagi ng mga polyeto malapit sa tulay ng Mendiola …ang mga ngiting iyon na sa isang kisapmata ay napalitan ng takot at ligalig sanhi ng komosyon at putukan...
Desperado na nuon ang diktador at handang pumatay makapanatili lang sa poder…sumisingasing at humahaginit ang mainit na bala na walang pakialam kung sino ang mapatay…napakalapit… ilang sentimetro mula sa aking pisngi…
Pero hindi yun ang inalala ko…mas inalala ko nang mga sandaling iyon kung nasaan na siya…mas mahalaga sa akin noon ang payapain ang loob nya…ang bigyan sya ng katiyakan na magkasama pa rin kami…na hindi ko sya iiwan anuman ang mangyari…
Magkahawak-kamay naming tinawid ang panganib na iyon...at sa pagpawi ng tensyón…sa paghupa ng usok ng teargas at pulbura…sa pagkawala ng alikabok ng lansangan…ang maririnig na lamang ay puta-putaking pagsigaw ng pulu-pulutong na mga istudyanteng nagkawatak-watak subalit nagpipilit mag-ipon ng lakas ... nagpipilit tumindig at patuloy na sumisigaw.
Bumagsak ang diktador ilang araw pagkatapos ng madugong Lunes ng umagang iyon...Umupo sa Malakanyang ang babaeng nakadilaw…
Tuloy ang buhay…tuloy ang ikot ng kasaysayan…ang paghabi ng mga pangako ng mga naghaharing-uri sa mga maralita na pilit nilang nilulunod sa mga sarsuela ng pekeng reporma at pagbabago…
Walang nagbago…naroon pa rin kami…nakatingin sa isang direksyon…magkahawak kamay sa bawat rali…sa bawat kilos-protesta…
Nagkahiwalay lamang kami nung magtapos na sya sa kursong Fine Arts…at sa aming paghihiwalay ay naroon ang pangako na di man kami pisikal na magkasama ay patuloy pa rin ang pakikibaka laban sa bulok na sisteman ng lipunan. Nagkasya na lamang ako sa pakikibalita sa kanya at sa ilang mga patagong sulat na maingat na nakabalot at manaka-nakang naipupuslit. Mga sulat na kung minsan ay ikinagugulat ko pa kung saan galing at kung sino ang may bigay.
Isang taon mula nuon…nabalitaan ko na lang na kasama sya sa mga napaslang sa isang encounter sa Norzagaray…Nuong una ay ayaw kong maniwala…sana ay hindi totoo…sana ay hindi sya ang ibinabalita nila…Puno man ng pangamba…lakas loob akong nagpunta sa lugar na itinuturo nila kung saan dinala ang mga napatay…umaasang hindi siya iyon. Pero naroon sa kaliwang kamay nya ang friendship band na katulad ng suot ko!
Wasak ang kanyang dibdib sa dami ng balang tumama sa kanya. Basag ang bungo na pinasakan ng pulang panyo upang di lumabas ang utak mula roon…
Ang panyong iyon ang laging nakapulupot sa dulo ng baril nya para daw lagi nya akong naaalala ….binigay ko yun bago kami magkahiwalay…
Dalawampu't dalawang taon na ang nakalipas…naroon pa rin ang hapdi….naroon pa rin ang dalamhati…paano nga ba lumimot kung tulad ng isang awit…paulit-ulit ko syang maaalala…
“Iguguhit ng ulap ang maamo mong mukha…
Sumasabay sa hangin ang iyong mga tawa…”
Posted by
Verso para Libertad
at
10:37 PM
4
comments:
Labels: lakbay-diwa
Monday, February 18, 2008
"rally"

may kirot akong nararamdaman
sa papabilis na lakad ng ating hanay
tumutusok ang mga durog na bato
na nasa loob ng sapatos ko
nguni’t tuloy lang sa pag-awit
at pagsigaw para sa pagbabago
ayaw kong yumuko
ayokong alisin
ang matatalim na bagay na iyon
na sumusugat sa paa ko.
natatakot ako
baka sa aking pagyuko
mawala ka sa paningin ko
kailangan ko ang init ng mga palad mo.
Posted by
Verso para Libertad
at
8:13 PM
4
comments:
Labels: poems (activism; protest)
Sunday, February 17, 2008
"avenida"

Hindi sa iyo
kundi sa naglingkisang sakong
ng mga nagpapakupkop
na bagamundo’t maton;
doon ko nais hanapin ang sagot sa tanong.
Tanong
kung sadya nga bang
ang mga patay-sinding ilaw
sa poste na sa kanila'y iyong itinutuon
ay liwanag ang hatid,
o isang paanyaya sa laksang patibong?
Sa lumang diyaryong nakabunton,
may sagot ka kayang maibubulong,
sa dahilan ng kalahating idlip
ng tuliro nilang isip na di maipikit?
Sa kumot na papel ng kanilang bagabag,
sa balabal ng kahungkagan nila't gutom,
sa gutay na diwa nilang nagsusumbong,
doon ko nais hugutin ang wastong kataga
na magpapalubag sa mga hinanakit.
Sa mga kimkim na sumbat at galit
na isinisigaw ng nagdedeliryong lamig
sa banig na karton na gula-gulanit.
Hindi ikaw,
kundi sila ang nais kong kausapin.
Tapikin.
Haplusin.
Palakasin at aliwin.
Upang kahit paano'y patuloy pa silang manangan
sa gahiblang kawing ng mga pangarap.
Umamot ng pandugtong sa hininga
kahit man lang mula sa lagkit ng usok
na ibinubuga ng mga tambutso sa iyong sinapupunan.
Kahit man lang sa itim na tubig
mula sa kanal ng kanilang hikahos na buhay,
dumaloy
magsusumiksik ang pag-asa
sa mga ukab ng hinihigan nilang bangketa.
Katubusan nila'y di-kailanman maiaasa.
dahil wala sa iyo, Avenida...
nasa kanila mismo ang kanilang pag-asa.
Posted by
Verso para Libertad
at
8:45 PM
0
comments:
Labels: poems (social relevance)
Taong-labas

Minsan mo akong dinalaw
sa aking panaginip…
at sumanib ang palaban mong
diwa sa lugmok kong balintataw.
Sinumbatan mo ako.
Kung bakit wala akong
nakikitang mensahe
sa mga lagas na dahon
at tuyot na talulot ng mga bulaklak;
na tumatakip sa ugat ng mga
ulilang puno sa gubat.
Sinilaban mo ang mga ito.
At ang apoy ay lumikha
ng liwanag.
Umabot sa kalangitan
ang usok na nalikha.
Tulad ng mga martir
Na nauna sa iyo;
ang apoy ng paninindigan
nila’y siyang liwanag
na tatanglaw sa ating paglakad.
Ang usok na umaabot sa
kalangitan ay halimuyak
ng pag-asa.
Sumasanib sa mga ulap ang
sigaw ng mga martir.
Tila usok na pagdaka’y magiging ulan
na buong ngitngit na
ibabagsak sa huling pagtutuos.
Lumuha ka ng sakdal pait.
Napasabay ako sa iyong paghibik.
Kasabay ng mga patak ng luha,
malinaw kong nakita….
may kahulugan ang lahat ng paghihirap nila.
Posted by
Verso para Libertad
at
1:56 PM
0
comments:
Labels: poems (activism; protest)
Saturday, February 16, 2008
Damdamin para sa Bayan
nukal di’t sisibol hindi maikukubli.
Pag-ibig sa bayan pilit mang itanggi,
mabibigkas pa rin nitong mga labi.
Pag-ibig na ito sa lupang nagkanlong
sa mga pangarap at musmos na layon,
pilit mang supilin sa puso’y babalong
magpakalayo ma’y pilit ding lilingon…
Di kayang ipikit yaring mga mata,
kung iyon at iyon din ang syang makikita.
Mga kaluluwang nagsisipagdusa’t
ang itinataghoy ay dalit ng laya.
Magdadalamhati, puso’y magluluksa
para sa kapatid na pinagdurusa,
sa dilim ng karsel na tigib ng luha
dahil sa tiisin ng pagpaparusa.
At sa kaibuturan ng pusong nahapis
may kabayanihang pilit na titindig.
Sa imbing pagsikil ay di tatahimik
Di mabubusalan ang apoy sa bibig.
Kapag ang pag-ibig sa baya’y nagising,
sikdo ng pag-alsa ay di mapipigil.
Magiging daluyong na magpapanginig
sa sukab na lider na nang-aalipin.
at sa agos ng digma sila’y lulunurin!
Posted by
Verso para Libertad
at
8:13 PM
1 comments:
Labels: poems (activism; protest)
Friday, February 15, 2008
panambitan sa hangin

kung nakikinig lang ang hangin
makikiusap akong hipan nito
ang mga luha ng pluma kong naninimdim.
hugasan ang dugo’t plema
sa malamig na sementong
nilatagan ng gula-gulanit na dyaryo
na nakasapin sa likod nyo…
kung nakadarama lang ang hangin
pakikiusapan kong higit pa niyang pagliyabin
ang mga kandilang lumuluha’t naninimdim
nang sa gayon maitambad sa bulag nilang paningin
ang dilim na bumabalot sa bayang nagupiling…
kung nakapangungusap ang hangin
sasabihin kung ibulong nito sa mga bituin
na magsitipon sa gawing kanluran
at mag-aklas laban sa naghaharing dilim…
(sa lipunang tinatakasan ng liwanag…
hangin na lang marahil ang maaaring kausapin)
Posted by
Verso para Libertad
at
2:05 PM
0
comments:
Labels: poems (activism; protest)
Kanbas, Pinsel at Pag-ibig

Marahan ang dampi ng pinsel
sa nag-aanyayang kanbas…
bawat hagod at paglapat
tila dugong dumadaloy
sa bawat himaymay at ugat.
nagpapainit…
nagpapaalab…
nagbibigay buhay...
nagpapakulay…
sa larawang likha
ng bawat nilang pagniniig..
Kung ang pag-ibig
ay naiguguhit
tulad ng bawat halik ng pinsel
Sa nagpapaubayang kanbas…
Ito’y isang obra-maestra…
kaylalim ng kahulugan…
Isang madamdaming sining
Na ang bawat pagniniig
ay kinukulayan ng pag-ibig
ng dalawang nilalang…
May ligayang hatid…
Pikit-mata..ninanamnam…
kaysarap maramdaman.
Posted by
Verso para Libertad
at
2:02 PM
0
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Thursday, February 14, 2008
Kung ikaw ang liwanag...
ang taglay mong sinag
bulagin mo na lang
ang mugto kong mga mata
na ayaw ng lumuha pa
o magluksa sa siphayo’t
kadustaang nadarama.
kung nariyan pa ang poot
at alab mong dumadarang,
sunugin mo na rin ang
nananaghoy kong dila
pigilan itong makapaglitanya pa
at maisatinig ang mga taghoy
at bagabag ng konsensya
dahil sa kabulukang nakikita.
kung magkakagayon…
hindi ko na lang masisilayan pa
ang mga daluyong at lagablab
na salimbayang kumakaway…
pumipisan sa sinilabang diwa;
nagbabadya ng trahedya
sa lipunang lugmok
at tigmak sa luha ng pagdaralita…
O’ kaypalad nilang bulag
na wala nang nakikita
walang galit na nadarama…
walang kuyom na kamaong
isinusuntok sa duguang lupa…
walang sugat ng hinanakit,
at sinimpang ngitngit
sa nagpupuyos nilang dibdib…
sa bawat buhay na napugto…
sa bawa’t dilang naumid
sa nilagok nilang tubig
ng takot at panganib…
sa bangungot ng pagmamalupit
nilang mga haring kumikitil
sa daing at panaghoy
ng bayan kong tumatangis…
kung ikaw ang liwanag…
bulagin mo na lang sa iyong sinag
ang mugto kong mga mata…
idarang sa iyong apoy
ang nananaghoy kong dila…
kundi mo man ito magawa…
hayaan mo na lang ako
na maglambitin minsan pa
sa iyong mga silahis…
mangarap ng laya
mula sa aming pagkahapis…
madama ko man lang…
mapatotohanan ko man lang
na nariyan ka lang sa aming piling…
tumatanglaw sa amin sa gitna ng dilim.
Posted by
Verso para Libertad
at
11:11 PM
1 comments:
Labels: poems (activism; protest)
Wednesday, February 13, 2008
for sentimental reasons...

for sentimental reasons
I wanna keep on crying…
I tend to live in solitude
amidst shattered images
of a tattered story of our love
forever gone…
I will keep on staring
on that old photograph
of a lovely kiss on your neck
as I carried you in my arms…
against the wall, as we embraced.
even if my eyes
shall wallow in tears
and my heart shall bleed
in pain endlessly…
as I see you being carried
by him in his arms sweetly…
for sentimental reasons,
this heart shall refuse to move on…
for deep there inside will always be
a cherished love of you and me...
for sentimental reasons
I choose to live in pain…
‘coz life without you
will never be the same.
Posted by
Verso para Libertad
at
8:06 PM
2
comments:
Labels: poems (love and friendship)
Tuesday, February 12, 2008
Biggest Heart Award

I would like to thank Anino for sharing this award. It feels so great to know that people do share a common aspiration for a better country. A better world free from exploitation and injustice.
With all happiness, i would like to share this award to:
1. Nes - for her sympathy to the fight of Sumilao Farmers.
2. Ashik - for his advocacy to eradicate hunger and poverty.
Thank you, Anino.
Posted by
Verso para Libertad
at
1:15 PM
1 comments:
Labels: recognitions



