Thursday, February 7, 2008

Puntod...ayyy!!! Nasaan ka Puntod?


Tumangis kayo mga inang inagawan.
Kayo na nagluluksa at naninikluhod
na sana’y matabunan na lang ng lupa,
o bumuka ang langit upang kayo’y higupin -
pailanlang sa kung saan…

Tumangis kayo mga inang naghahangad;
na makatakas na lamang sa walang katapusang pag-asam
na sana’y makabalik ang nawala n’yong mahal sa buhay…

Tumangis kayo nang buong lakas.
Hanggang ang luha’y masaid,
at ang nakataas nyong mga palad
ay mangagtikom sa pagkapoot.

Tumangis kayo nang buong hapdi.
Sa bawa’t n’yong pagdalaw, pagsamo at pagpalahaw
sa mga inaring libingan na hindi inyo….

Namatayan kayo ng mahal sa buhay
subalit di nyo batid kung nasaan!
Sa aba ninyong ang mga isipan ay walang pagkahingalay.
Tulad ng mga kaluluwang hinahanap ninyo’t
humihingi ng katarungan.

Mapoot kayo sa di-matingkalang sakit
sa gitna ng bangungot ng mga gabi…

Bakit ninyo tinatangisan
ang puntod ng kung sinong nilalang –

BIKTIMA RIN BA SILA NG PAGDUKOT AT PAGPATAY?


*************************************************

Ang isang anak na nawalan ng magulang ay tinatawag na ulila.
Balo o byudo naman ang tawag sa isang lalaking nawalan ng asawa.
Pero ang isang inang nawalan ng anak…ano ang tawag natin sa kanya?
Walang tawag sa mga tulad nila… wala.

Wala kasing salita na makapaglalarawan sa sakit na nararamdaman ng isang ina na nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang anak. Lalong walang salita at katagang maaring maglarawan sa isang ina na patuloy na naghihintay at umaasa na sana’y makabalik ng ligtas ang anak nyang dinukot at naglaho na lamang na parang bula.

Paano mo nga ba papayapain ang loob nya? Anong angkop na salita ang makapagpapalubag sa naninikip nyang dibdib? Paano nya ipapanatag ang isip nya kung di man nya batid kung magpapadasal na ba sya o magtitirik na ng kandila o patuloy pa rin syang aasa na isang gabi’y kakatok na lamang ang pinakamamahal niyang anak na parang walang anumang nangyari.

Sasapit na naman ang gabi…wala pa ring kumakatok…maghihintay siya at maghahanap sa gitna ng kanyang mga hikbi at pagluha.

Baka-sakali….baka-sakaling dumating sya…baka-sakaling buhay pa ang anak niya…

' entablado '

bawat sinag at kutitap
ng pulang ilaw-dagitab,
balaraw na tumitimo
sa dibdib niyang nawawasak.
sa himig at lamyos ng maharot na musika’y
unti-unting iindayog...
malalaglag papalayo sa maalindog nyang katawan
ang nalalabing dignidad na pinaka-iingatan.

nakasisilaw ang kinang ng mga ilaw
na naghahantad sa kanya sa kahihiyan.
sing-kinang ng mga salaping papel
na isa-isa nyang pinupulot
matapos ang bawat pagtatanghal.

hanggang kailan siya iindak..
hanggang kailan siya iiyak?
hanggang kailan mahihiga
sa tabi ng mga buwitre’t asong gala -
hayok sa laman at handang sumila?

dilim sa gitna ng liwanag.

may luha sa bawat sulok
ng parisukat na mundong kinasadlakan.

sadya nga bang sa bawat tao’y
may musikang nakalaan;
na sa gitna ng pagluha’y
kailangan niyang isayaw…
sa entablado ng buhay?

Wednesday, February 6, 2008

Peace and Glamorous Blogger Award





This award is thoughfully shared by an equally glamorous blog friend, Jonah. She now live happily with his loving husband and would love to discuss endlessly about clothes, bags, shoes, shopping etc..etc... (glamorosa talaga!). Anyway, thanks Jonah for this award. I really appreciate it and hope i could do justice and live up with this one. he! he! he!...

I pass this award to my friends, SWEATPEA and SHENG.

Happy Blogging.

if thou shalt leave...

if thou shalt leave…
walk thou slowly whilst am asleep
that my ears hear not the deafening
sound of your footsteps…

walk thou in peace
and turn thy back in silence…
dare not to speak a word
and gaze not upon me
with your teary eyes;
for it hurts…
it breaks me into pieces.


let me fall asleep
as deeply as I could…
for in my dreams
I might be strong enough
to hug you;
to say goodbye to you
for the last time.

I might be able to wave
this trembling hand…

while you go…

while I set you free.

Tuesday, February 5, 2008

Lamentasyon para sa Hangin

Hindi ka nila kailanman hiniling…
nguni’t nariyan ka sa kanilang piling.

Nalulugod sila sa indak at sayaw
ng luntiang dahong nangaglambitin
sa mga sanga ng punong nagbibigay lilim.

Nakangiti nilang hinahagkan
ang mga talulot ng rosas na namumukadkad.
pinipitas nila ang mga ito sa kanilang hardin
upang gawing adorno sa kanilang mga buhok.

Nguni’t batid ba nila ang misteryong bumabalot
sa bawa’t indak ng luntiang dahon at rosas
na pumapawi sa kanilang lungkot?

Ramdam ba nila ang iyong mga himutok?

Inawitan nila ang luntiang dahon.
Ipinaghele sa pagmamahal ang mga bulaklak.
Ngunit hindi ikaw….
kailanman ay hindi ikaw.

Ikaw na nasa likod ng bawa’t indak at sayaw
ng mga daho’t bulaklak na marahan mong hinihipan
upang magsabog ng karikta’t halimuyak ….
na humahalina sa kanila’t nagbibigay galak.

Ikaw na kanilang nilalason…

Ikaw na hangin.

Verses For A Battered Woman



perturbed and trying to find comfort
in that solitary room…
all she wanted is to bury her face
in that warm soft pillow.

her heart mourns in silence
for the bruises and wounds
inflicted unto her battered body.
and with her shattered dignity,
her essence as a woman painfully craves
for the fragrance
drawn out from the flowers of human respect.

she keeps on asking…
until when she will suffer?
will there ever be time
for mending a broken heart?
will there be place for forgiveness?
for healing?

hatred is now a cloud shrouding each rays
of her once unconditional love…
and as she hears his dreadful voice
at the other side of the door,
her tired bleeding heart
had shut every emotions connected to him…

that door will no longer be opened.
and to a jaded, tuckered heart…
there's freedom in letting go.

Monday, February 4, 2008

usok ng kahinaan


padayukdok na ilalapit
ng eratiko’t nanginginig n’yang kamay
upang buong kasiyahang ipaglunoy
sa nanunuyong lalamunan…

hitit…

buga…

hitit at buga pa…

baka-sakaling itakas siya
ng usok-laway na nilulunok
palayo sa kasukalan ng bagabag…
sa pusali ng walang katapusang pagsubok.

hakbang papalayo
ang bawa’t hitit…
ang bawat lunok…
ang bawat buga pailanlang
ng kumekembot, humalakhak na sungayang usok.

kakapit siyang nakangiti pa-lipad sa alapaap.
makikipagtawanan sa mga bituin.
ihahanap ng kagaanan
ang samu’t saring tinik
sa natutulirong damdamin.

paulit-ulit…
palipat-lipat…
pahalakhak niyang isasakay ang kanyang ulirat
sa nagsasalubungang ulap.
kakatagpuin ang sarili
sa hiwalay na mundong nais nyang likhain.

at sa mapungay at kulay-dugong mata…
pakunwaring magtatago at tatakas
ang luray niyang katawan na naghahanap ng laya
upang gulantangin lamang ng katotohanang
itatambad ng kunot-noong araw…

sa kanyang paggising

sarili pala niyang mga kamay ang kanyang iginapos…

sa usok ng kanyang kahinaan.

R.I.P. (Anti-Subversion Law)




tanikalang apoy na kinakaladkad,

sibat kang tumarak sa dibdib sumugat

at sa pagkadipang bayubay ng hirap

talim kang humiwa sa leeg ng hamak.


narito kang tila multong gumagala

inihahasik mo’y takot at pangamba

ikaw ba’y babalik upang ipagsama

sa iyong libingan ang natamong laya?


di kami papayag na umahon ka pa

sa puntod na sa iyo’y aming hinukay na

kahit kalansay kang sa amin’y magbabanta

duduruging pilit, ibabaon sa lupa!!!








Saturday, February 2, 2008

Makatang Makabayan (para kay Oliver Carlos)

ni: William Rodriguez a.k.a Sanib-Isip

Nasa ibang bansa ka man 'di pa rin nakalilimot
'Pagkat sa puso mo bayan na'y nailuklok
Kaya't sa paghawak ng pluma itong tinutula
Binibigkas at inaawit mo hangad na paglaya.

Panulat mo'y tigib ng kasawian at lumbay
Larawan ng Pilipinas iyo lamang isinasalaysay
Sa bawat dukhang lumuluha ikaw'y karamay
Hagupit ng lipunan sa iyo ri'y lumalatay.

Ayaw mo na basta na lang magmasid
Habang ang ila'y payapang natutulog sa silid
Mas ninais mong maging tinig ng mga walang tinig
Upang sa kadiliman hibik nila'y iparinig.

Kay Amado Hernandez ka maihahalintulad
Sa bawat himaymay ng dugo, bayan ang ipinipitlag
'Di nila nasupil ipiniit man sa loob ng rehas
'Pagkat tunay na laya ay walang halagang katumbas.

Mga tula mo ay walang sawang pakikibaka
Laban sa bulok at balakyot na sistema
Kamulatan ay sadyang ibinabahagi sa lahat
Upang karapatang pantao'y 'di tuluyang mawasak.

Kasama, salamat sa mga akdang walang singtapang
Sa pag-aalay ng diwa sa sambayanan
Mistula kang nasa gitna ng himagsikan
Na ang sandata'y pagiging makabayan!

*********************************************

Isang taos-pusong pasasalamat kay G. William Rodriguez (a.k.a Sanib-Isip) sa tulang ito na kanyang ginawa para sa akin. Mababasa ang mga akda ni Ka William sa kanyang blog na pinamagatang Sanib-Isip. Muli, salamat ng marami.

Huling Saknong



Natuyo na ang tinta
ng nagdadalamhating pluma.


Pahagulgol kung umihip...
tila nakikiluha ang hangin
sa umaalmang papel.

Malamlam…
aandap-andap ang munting ilawan...


Naghihinanakit marahil
sa huling saknong na di man lang naisulat…

Huling saknong sana
ng isang tula…
ng dalamhati at protestang
mandi’y nais ibulalas
ng nakalugmok na makata.

Isang bala ang kumitil
sa laya ng tula.


Friday, February 1, 2008

Kapag Pumula ang Araw sa Silangan


Kung paanong kinauuhawan
ng mga uhay ng palay
ang kristal na hamog sa bukang-liwayway,
at kung paanong sabik na sinasalubong,
kinakanlong ng mga bitak sa linang ng lupa,
ang agos ng tila nahihiyang tubig
na titighaw at dadampi sa dibdib ng sakahan…
Alam kong hinihintay mo rin ako.

Inang bayan! babalik ako.
Tulad ng isang agilang
magpapakupkop sa init ng pugad
ikampay man ng kaylayo sa nagpupuyos na hangin
ang kaniyang mga pakpak;
lakbayin man ang dawag
ng mapagkanlong na gubat…
at tawirin ang mapanglaw at kulay dugong batis
sanhi ng digmaan.

Sa iyong nawasak at naulilang dibdib
babalik ako!
Libong ulit man akong masugatan;
hangga’t makatitindig…
buong-giting na aawit ang tangan kong baril.
Pipilitin kong huwag malugmok sa kasukalan.
Pipilitin kong makabalik.

Dahil batid ko
tulad ng mga uhay ng palay na kinasasabikan
ang dampi ng masuyong hangin,
at kristal na hamog sa bukang-liwayway;
nasasabik ka nang salubungin
ang katuparan ng isang pangarap;
na balang araw - tagumpay akong makababalik
sa iyong sinapupunan;
at taas kamao mong ipagbubunyi
kasama ng iyong mga anak ang iyong kalayaan…

Kapag pumula ang araw sa silangan!

Blog of the Month



Maraming salamat kay ZKEY sa kaniyang pagkilala sa aking blog.

Nais kong ipasa ang pagkilalang ito kay: Ginabeloved; Pen Palaboy; Bunso; Gelene at Krisha.

Keep on blogging.