(Tulang alay sa isang kasamang OFW na napasama ang asawa sa lumubog na M/V Princess of the Stars)
Sa tuwing pinagmamasdan ang araw
na unti-unting itinatago ng dagat,
nalilimutan ko ang lahat.
Sa mata ko, sandakot lang
na buhangin ang disyerto; nilalaro
sa bukas-kuyom na palad ng aking bunso.
Musika sa pandinig ang musmos
niyang hagikgik, habang pinatutulay
sa hawak na tingting ang mga langgam;
Tinatangka niyang iligtas
ang kolonya ng insektong iyon;
dinadala sa ligtas na lugar
bago pa sila anurin ng dagat
At sa inosente niyang tawa
tila ba malinaw sa kanya
kung ano ang pamilya:
Ligtas, panatag, magkakasama.
Mamaya lang
kapag napagod na,
magpapakarga siya…
magpapahele.
Gaya ng ginagawa sa kanya
ng nalunod niyang ina.
Dito,
hinuhugasan ng alon ang dalampasigan
Binubura, kahit pansamantala lang,
ang hapdi ng paglisan.